Home OPINION RACISM, ‘DI SANDATA NG DIPLOMASYA

RACISM, ‘DI SANDATA NG DIPLOMASYA

16
0

NAKALULUNGKOT na sa halip na argumento at katotohanan ang gamitin, tila mas pinili ng China sa pamamagitan ng China Daily ang panlalait sa pamamagitan ng AI-generated videos at editorial cartoons na naglalarawan sa Pilipino na parang unggoy.

May mga Chinese na nasa Pilipinas na nagtatanggol sa ginawa ng China at sinabing kay Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela ang patungkol na unggoy. Posibleng tama na si Tarriela ang tinutukoy at hindi ang sambayanang Pilipino. Pero hindi nito binabago ang katotohanang ang ganitong uri ng paglalarawan ay may bahid ng rasismo at hindi makatao.

Sa buong mundo, ang paghahambing sa isang tao sa unggoy ay matagal nang kinikilalang isang mapanghamak at “racist” na paraan ng paninira. Hindi ito simpleng ‘satire’. Hindi ito maituturing na responsableng pamamahayag. Kapag ang isang tao ay binabawasan ng kanyang dignidad upang lamang sirain ang kanyang kredibilidad, nawawala ang moral na lakas ng sinomang gumagawa nito.

Napatanong tuloy ang marami, lalo na nakakita at nakapanood ng video, kung may kredibilidad ba ang China?

Kung talagang matibay ang paninindigan ng China sa usapin ng West Philippine Sea, bakit kailangang gumamit ng ganitong uri ng propaganda? Hindi ba sapat ang kanilang mga ligal at diplomatikong argumento? Ang paggamit ng mapanlait na imahe ay tila pag-amin na mas madaling mang-insulto kaysa mangumbinsi. Malamang, talagang wala silang pinanghahawakan na katibayan.

Mas mahalagang tandaan na hindi lahat ng Chinese ay sumasang-ayon sa ginawa ng China Daily. Marami ring mga Chinese na naninirahan at nagnenegosyo sa Pilipinas ang naniniwalang mali ang ganitong paraan ng pagpapahayag.

Sa katunayan, may ilan sa kanila na hindi rin sang-ayon sa patuloy na pag-angkin ng Beijing sa halos buong West Philippine Sea. Nauunawaan nilang ang usapin ng teritoryo ay dapat resolbahin sa pamamagitan ng internasyonal na batas at diplomasya, hindi sa propaganda o panlalait.

Kaya mali kung lahat ng Chinese ay agad nating huhusgahan dahil lamang sa ginawa ng isang state-run media. Ang isyu ay hindi laban sa lahing Chinese. Ang isyu ay laban sa isang maling paraan ng pagpapahayag na hindi nararapat sa isang bansang nagsasabing iginagalang nito ang kapayapaan at mabuting ugnayan sa mga kapitbahay.

Ang respeto ay hindi lamang hinihingi—ito ay ipinakikita. Kung nais ng China na seryosohin ng mundo ang kanyang mga posisyon, dapat nitong ipakita na kaya nitong makipagtalo nang may paggalang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here