NAPAGKASUNDUAN ng prosekusyon at depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na unahing ipresenta ng una ang lahat ng Articles of Impeachment at ebidensya rito bago ang pagpiprisinta naman ng huli ang panig nito, kasama rin ang mga ebidensya at gagawin ito hanggang 2027.
Sa tagal ng paglilitis, maaaring may mga pangyayaring maaaring hindi maganda.
Nasa isipan natin ang pagkilos ng iba’t ibang grupo na kumikilos pabor at kontra sa impeachment.
Kung mula 1986 hanggang sa ilang panahon ngayon ay kontrolado ang mga kalsada ng mga nagsusulong ng impeachment, lumilitaw naman ngayon na may malakas na ring grupong lumalaban dito.
Sa isinasagawang trial lamang, nahati ang kahabaan ng kalsada sa harap ng Senado ng mga grupong pro at anti-impeachment.
Kapansin-pansin pang higit ngayong aktibo at nagtatagal sa mga kalsada at freedom park, gaya sa Manila, ang mga anti-impeachment kumpara sa mga pro-impeachment.
Ganito na rin ang nagaganap sa Kabisayaan at Mindanao at kapansin-pansing higit na mas malakas ang anti-impeachment kaysa pro-impeachment sa mga lugar na ito.
Sakaling may mga kontrobersiya sa paglilitis na magpasisiklab ng damdamin ng bayan ng mga anti at pro-impeachment, ano sa palagay ninyo ang mangyayari?
Isa sa mga lumiliyab na isyu, halimbawa, ang pagkilos ng mga pro-impeachment senators, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na ubusin ang mga senador na anti-impeachment sa pagkakaso at pagpapakulong sa kanila o pananakot umano para sumapi sa mga senador na pro-impeachment.
Kapag nangyari ito, lilitaw ang paniniwala na binababoy ang impeachment para lang mawala sa eksenang pampulitika si VP Sara sa halalang presidensyal sa 2028.
Ano-ano kayang pagkilos ng mga anti-impeachment na grupo ang kanilang gagawin?
Kung lalakas nang lalakas ito, ano sa palagay ninyo ang gagawin ng gobyerno para supilin ang mga ito?
At para kanino?






