Home OPINION ‘ANTI-DYNASTY’ BILL, ‘TOTOO’ NA NGA BA?

‘ANTI-DYNASTY’ BILL, ‘TOTOO’ NA NGA BA?

8
0

NAIPASA na sa Kongreso noong isang buwan ang House Bill 8389 o ang ‘Anti-Dynasty Bill’ na ayon sa mga nagsulong nito ay “pagtugon” sa ‘anti-political dynasty provision’ ng ating Saligang Batas.

Mabilis ang naging aksyon ng Kongreso dito dahil noon lang Marso isinampa ang panukala kaya umabot lang ito ng halos 3 buwan—wow!—at nakapasa na sa ‘Third Reading.’

Hmm. “nakahanda” na nga kaya ang ating mga mambabatas na “magbago” at “ipaubaya” naman sa hindi nila kadugo at kamag-anak ang pulitika?

Naitanong ito dahil ang ‘principal author,’ si Speaker Bojie Dy III at Rep. Sandro Marcos ay parehong “produkto” ng political dynasty, sampu ng mahigit 150 kongresista na ‘co-author’ ng panukala. Ganito rin ang sitwasyon sa ating Senado na maliban sa iilan, ay patuloy na pinagharian ng mga “TRAPO” at kanilang mga “BIMPO”– mga ‘Batang Iminulat ng Magulang sa Politika.’

Kung si Baguio City Mayor Benjie Magalong ang tatanungin, isa lang malaking “panloloko” ang HB 8389 sa ating lahat. Sakaling maging batas, gagawin pa nitong “ligal” ang political dynasty, aniya pa.

Bakit kanyo? Nilimitahan lang kasi ng panukala ang pagtakbo sa pulitika ng mag-ama, mag-asawa, magkapatid at maglolo, sa isang lokalidad—isang bayan, munisipyo o distrito (second degree of civil sanguinity and affinity).

Sa madaling salita, pwedeng tumakbo si misis, “Dayunyor” o “Ate” sa katabing munisipyo, distrito o bayan. Hindi rin kasama sa “etsa pwera” ang mga pamangkin at pinsan (third and fourth degrees of consanguinity) kaya sa isang halalan, bagaman wala nang maglalaban na mag-ama o mag-asawa, pwede naman ang “mag-angkol” at magpinsan.

Si misis, lolo, dayunyor at ate? Sa kabilang bayan naman sila o distrito sa iisa pa ring probinsya na kontrolado rin ng kanilang pamilya.

“Exempted” din sa panukala ang mga partylist na alam naman natin ay ginawa na ring negosyo ng ilang mga kongresista at mga senador.

Pwede ring tumakbo ang isang Cabinet Secretary sakaling magbitiw o masibak kaya mula sa Ehekutibo, “lilipat” lang siya sa Lehislatura.

Sa ganitong sitwasyon, malaki kaya ang tama ni Mayor Benjie sa kanyang posisyon at kampanya laban sa political dynasty na pakana ng ating mga mababatas?

Kung tama siya, suportahan! Kung mas pabor kayo sa sinasabi ng mga pulitiko, eh ‘di wow!

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here