Home OPINION SEGURIDAD NG DRIVER, SEGURIDAD DIN NG PASAHERO

SEGURIDAD NG DRIVER, SEGURIDAD DIN NG PASAHERO

10
0

ANG magkasunod na pagpaslang sa dalawang app-based motorcycle taxi riders na umano’y ginawa mismo ng kanilang mga pasahero ay nagbukas ng isang mahalagang usapin—hindi lamang mga pasahero ang dapat protektahan sa pampublikong transportasyon, kundi maging ang mga driver na araw-araw ay isinasapanganib ang kanilang buhay upang maghanapbuhay.

Tama ang agarang pagkilos ng Kongreso, Department of Transportation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at mga Transport Network Companies upang palakasin ang seguridad ng mga rider.

Ang mga panukalang gaya ng mas mahigpit na passenger identification system, SOS button, at emergency response mechanism ay makatutulong hindi lamang sa motorcycle taxis kundi maging sa iba pang app-based transport services.

Ngunit ayon sa pananaw ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, may isa pang mahalagang isyung dapat linawin—ang Refusal to Convey Passengers bilang franchise violation.

Hindi lahat ng pagtanggi ng driver na magsakay ng pasahero ay paglabag sa batas. Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2025-055, ang ipinagbabawal ay ang UNJUSTIFIED OR WITHOUT CAUSE REFUSAL. Kung may sapat at makatwirang dahilan ang driver, hindi siya dapat maparusahan.

Kabilang sa mga kinikilalang dahilan ang kalamidad, hindi inaasahang pangyayari, maintenance ng sasakyan, asal ng pasahero, capacity limits, at lalo na kung THERE IS A DIRECT AND CREDIBLE THREAT TO THE DRIVER’S LIFE OR PROPERTY.

Bagama’t nasa driver ang obligasyong patunayan ang dahilan ng kanyang pagtanggi sakaling isailalim siya sa imbestigasyon ng LTFRB, naniniwala ang LCSP na sa mga app-based motorcycle taxi, dapat ding bigyan ng sapat na bigat ang salaysay ng driver. Kung ang pagtanggi ay bunga ng makatwirang pangamba sa kanyang kaligtasan, hindi ito dapat agad ipalagay na paglabag.

Sa motorcycle taxi, magkaisa lamang ang driver at pasahero. Nasa likuran ng rider ang pasahero kaya limitado ang kakayahan ng driver na bantayan ang anomang maaaring banta sa kanyang buhay.

Mahalaga ang kaligtasan ng pasahero, ngunit ang kaligtasan ng driver ang unang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng pasahero.

Ang isang makatarungang sistema ng pampublikong transportasyon ay hindi dapat pumili kung sino ang poprotektahan. Dapat na parehong ligtas ang driver at ang pasahero.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here