MANILA, Philippines – Hindi maiuurong ang desisyon ng Senate Impeachment Court na mag-isyu ng subpoena para sa mga financial at tax records ni Vice President Sara Duterte kahit magsampa pa ng dissenting opinion si Senator-Judge Alan Peter Cayetano, ayon sa House prosecution panel.
“Sa ilalim po ng Rules of the Senate for Impeachment, palagi namang may karapatan mag-file ang isang senator-judge kung hindi siya sumasang-ayon doon sa naging pagpapasya ng ating Impeachment Court,” paliwanag ni House Prosecutor at Akbayan Partylist Rep Chel Diokno sa isang press conference.
Ayon kay Diokno, aaralin lang ng prosecution ang magiging dahilan ni Cayetano kapag na-file na ito, at hindi muna sila magkokomento sa mga balita hinggil sa dissenting opinion na hindi pa nila nakikita.
“We will also look into that kapag nai-file na po iyon,” sabi ni Diokno.
Sa panig naman ni House Prosecution Team Legal Spokesperson Atty Benjamin Tolosa ay kinilala nito ang karapatan ni Cayetano na ipaliwanag ang kanyang pagtutol ngunit iginiit nitio na iba ang dissenting opinion sa isang matagumpay na hamon laban sa ruling.
“Mayroon ho siyang karapatan kung mag-dissent siya, but it will not change the ruling, of course. The ruling will stand,” paliwanag ni Tolosa.
Ayon kay Tolosa, sa ilalim ng mga alituntunin sa ebidensya ng impeachment, ang ruling ng presiding officer ay nagiging desisyon na ng buong korte maliban kung may senator-judge na humingi ng pormal na botohan.
Muling idiniin ni Tolosa na maaaring ipaliwanag ng dissent ang posisyon ni Cayetano, pero hindi nito mababaligtad ang naunang inisyung ruling ng korte.
“Kung pag-dissent lang, hindi naman ho nito ma-o-overturn ‘yung ruling,” pagtitiyak ni Tolosa.
Inaprubahan ng Senate impeachment court ang hiling ng prosecution na mag-isyu ng subpoena para sa mga peso-denominated bank records, dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), at BIR records na may kaugnayan sa Article II ng Articles of Impeachment.
Hindi lahat ng hiniling na records ay ipinagkaloob ng korte, hindi isinama ang foreign-currency deposits at hindi pinayagan ang mga hiling na may kinalaman sa dalawang entity dahil sa kakulangan ng koneksyon sa mag-asawang VP Sara at Atty Mans Carpio. Gail Mendoza