ISABELA, Philippines – Dahil sa patuloy na pagbaba ng level ng tubig sa Magat Dam ay siniguro ng Palasyo ng Malakanyang na magkakaroon ng cloud seeding para madagdagan ang tubig sa nasabing dam ngayon linggong ito.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang kahapon, Hulyo 20, 2026, ang cloud seeding ay pangungunahan ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Philippine Airforce.
“At magkakaroon din ng cloud seeding operation sa linggong ito sa Magat Dam, upang madagdagan ang tubig sa Magat Dam na sumusuporta sa mga magsasaka para sa kanilang patubig,” pahayag ni Castro.
Layunin din umano ng gagawing cloud seeding na magdagdag ng tubig sa Magat Dam upang makatulong sa patubig sa sakahan ng mga magsasaka sa Lambak Cagayan.
Matandaan, nitong nakalipas na araw ay umabot sa critical level ang magat dam kung saan halos umaabot sa 35000 ektarya palayan ang nanganganib na hindi mapakinabangan mula sa halos mahigit 91,000 ektaryang sakop nito.
Ayon kay Department Manager A Engr. Gileu Michael Dimoloy ng NIA MARIIS ay patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Irrigators Association (IA) o magsasaka upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa patubig.
Nauna ng namahagi ang NIA MARIIS ng fuel subsidy sa mga apektado ng el niño at solar pump irrigation system upang matugunan ang pangangailangan sa patubig.
Maliban dito, una ng nakatanggap ng libreng pataba at binhi ang mga magsasaka na mayroong sakahang umaabot hanggang dalawang ektarya lamang.
Samantala, nangako ang Palasyo na patuloy nitong susuportahan ang mga magsasaka sa bansa para matugunan ang problema sa high production costs at maprotektahan din sila sa epekto ng El Niño phenomenon. (REY VELASCO)