KYIV, Ukraine – Nagpahayag ng pakikiramay ang Embassy of Ukraine sa pamilya ng dalawang Pilipinong seafarer na nasawi sa mga drone attack ng Russia sa mga commercial ship sa Black Sea.
Ayon sa embahada, labis silang nalungkot sa insidente at umaasang mabilis na gagaling ang mga sugatan at ligtas na matagpuan ang isang nawawalang Pilipinong seafarer.
Nauna nang sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na siyam na barko na may 139 Pilipinong tripulante ang naapektuhan ng serye ng mga pag-atake. Bukod sa dalawang nasawi, 12 seafarers ang nasugatan at isa ang nananatiling nawawala.
Binigyang-diin ng embahada na hindi dapat maging target ng pag-atake ang mga sibilyang barko at kanilang mga tripulante, dahil nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga seafarer, pandaigdigang paglalayag, at suplay ng pagkain.
Sinabi rin ng Ukraine na ipinaalam na nito ang mga insidente sa International Maritime Organization (IMO), mga kaalyadong bansa, at mga bansang pinagmulan ng mga tripulante. Nanawagan din ito ng pagbuo ng isang international monitoring mission sa mga daungan ng Ukraine upang maitala ang mga pag-atake at mapanagot ang mga responsable. RNT/MDS