Home NATIONWIDE PBBM, namahagi ng Certificate of Entitlement sa mga pamilya sa Lucena City

PBBM, namahagi ng Certificate of Entitlement sa mga pamilya sa Lucena City

6
0

MANILA, Philippines – Tinupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pangakong magkakaroon ng mas maayos na tahanan at matatag na karapatan sa kanilang lupang tinitirhan ang mga filipino sa ilalim ng land tenure regularization program ng pamahalaan.

Nitong Martes, pinangunahan ng Pangulo ang pamamahagi ng Certificate of Entitlement sa mahigit 100 pamilya sa Lucena City sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 436, s. 2003.

“Kaya sa pamamagitan nitong ating ginagawa na pagbibigay ng Certificate of Entitlement, ay natiyakan na po ating mga benepisyaryo na sila po ay maaari na, dahil hawak na ang Certificate of Entitlement, mapabilis ang proseso sa pagbibigay ng titulo ng mga lupa,” ani Pangulong Marcos sa seremonya na ginanap sa Lucena City Convention Center.

“Kaya’t ako’y natutuwa na sa ating administrasyon ay naituloy natin at masasabi natin na nabigay natin ang katuparan ng Presidential Proclamation na ito at napatunayan natin na ang ating mga kababayan na nangangailangan ng titulo para sa kanilang lupa ay magkakaroon na ng titulo dahil nabigyan na ng Certificate of Entitlement,” dagdag ng Pangulo.

Ang pamamahagi ng COE sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 436 ay bahagi ng Expanded 4PH Program, kung saan naglaan ng 11 ektaryang residential lot para sa mga maralitang taga-lungsod at mga empleyado ng pamahalaan sa Lucena City.

“At sa tulong ng programang ito, mabibigyan ng Certificate of Entitlement ang mahigit isang libo at isang daang benefisyaryo dito sa Lunsod ng Lucena,” dagdag ng Pangulo.

Layunin ng programa na mabigyan ng Certificate of Entitlement ang mahigit 1,000 benepisyaryo sa Lucena City.

Noong Marso ng nakaraang taon, 185 benepisyaryo ang nakatanggap ng COE at ang target ng pamahalaan na makumpleto ang pamamahagi sa lahat ng benepisyaryo sa susunod na taon.

Nilagdaan noong Agosto 11, 2003 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Presidential Proclamation No. 436, s. 2003, na nagdedeklara sa isang 17.6-ektaryang lupain sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City bilang reserbasyon para sa mga pasilidad ng pamahalaan, pabahay para sa mga empleyado ng gobyerno, at mga maralitang taga-lungsod. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here