MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na agad magsampa ng matinding diplomatic protest laban sa China matapos umanong saktan ng China Coast Guard (CCG) ang isang opisyal ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Nasugatan ang Navy personnel matapos umano siyang hampasin ng kahoy na baton ng miyembro ng CCG habang papalapit sa BRP Sierra Madre.
Hiniling din ni Pangilinan sa DFA na iulat ang insidente sa ASEAN at iba pang kaalyadong bansa at gamitin ang lahat ng legal at diplomatikong paraan, kabilang ang 2016 Arbitral Award, upang papanagutin ang China at ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas.
Ayon sa senador, ang naturang insidente ay paglabag sa internasyonal na batas na nagbabawal sa paggamit ng dahas at pagbabanta.
Nauna nang kinondena ng DFA ang insidente at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang anumang karahasan laban sa mga Pilipinong tauhan at nararapat itong tugunan sa pamamagitan ng kaukulang diplomatikong aksyon. RNT/MDS