MANILA, Philippines – Walang kinalaman o bigat na mahihita ang defense team sa mataas na trust ratings ni Vice President Sara Duterte sa kasong betrayal of public trust na dinidinig ngayon ng impeachment court, ayon kay NBI chief Atty. Melvin Matibag.
Tugon ito sa kuwestiyon ni Senator-judge Francis “Kiko” Pangilinan laban sa manipestasyon ng defense team na may kinalaman o mabigat na bearing ang mataas na trust rating ni Duterte laban sa kasong betrayal of public trust.
“Kanina tinatanong sa inyo yung usapin nung Trust Rating, na mas mataas yung Trust Rating nung Vice President kaysa sa Presidente. Bilang abugado, tinanong sayo ito kanina, may kinalaman ba ang approval sa trust — kung mas mataas ang trust rating, ibig sabihin, wala nang betrayal of the public trust?,” tanong ni Pangilinan.
Sa kanyang tugon, sinabi ni Matibag na walang kinalaman o bigat na maituturing ang mataas na trust rating sa kasong kinahaharap ni Duterte dahil isa lamang snapshot ng puwedeng mangyari ang ibig sabihin sa resulta ng survey.
“Well, wala po. Sapagkat, sabi ko nga, sa akin pong pananaw, sa akin din pong kaunting eksperiyensya bilang isang political adviser din po, eh yung ating pong mga survey is only a snapshot ng mga pwedeng nangyayari,” giit ni Matibag.
“Alam naman po natin, ang tinatanong diyan, iilan lang, o pipili ng lugar kung saan gagawin yung survey. Hindi po natin pwede ito maging basehan sa pagiimbestiga. Sapagkat, pagka ganyan po yung ating ginawa, eh magkakaron po tayo ng problema,” dagdag ng hepe ng NBI.
Sinabi ni Pangilinan na kailangan linawin ni Matibag ang isyu na kapag mataas na trust rating ng isang opisyal, balewala ang kasong betrayal of public na makapanglilito sa pananaw ng taumbayan.
“Having said, kaya ko lang tinanong ‘yon, kasi baka yung mga nakikinig nating mga kababayan ay malito. Dahil hindi ba tamang sabihin na iba yung Trust Rating, iba yung Betrayal of the Public Trust. [Dir. Matibag: Tama po.] Tama,” ani Pangilinan.
“Yung Trust Rating po ay base sa numero dahil sa survey. Yung Betrayal of Public Trust, malinaw naman po yan na nakasaad sa Constitution na ito’y isang basehan ng Impeachment,” tugon na paliwanag ni Matibag.
“At saan po pumapasok ang Betrayal of Public Trust? Pag meron ka pong ginawa na pag-violate, not necessarily criminal, hindi kailangan ng conviction, kundi sinasabi po, pag tinignan natin yung discussion po ng ating Constitutional Committee nang ginawa yan, binabanggit nga po diyan yung Betrayal of Public Trust yung hindi po pagtupad sa iyong Oath of Office,” paliwanag pa ng hepe ng NBI.
“That will qualify as a Betrayal of Public Trust,” aniya.
Samakatuwid, ayon pa kay Pangilinan, kahit negative o mataas ang trust rating ng sinuman base sa batas at sa Konstitusiyon, puwedeng mahatulan o ma-convict ang sinumang impeachable officers sa kinahaharap na kasong dependesa ebidensiyang naiharap sa kasong betrayal of public trust.
“Tama po ba,” tanong ni Pangilinan.
“Tama po. Wala pong kinalaman ang survey on the Trust Rating, kundi kung ano po ang ebidensya na ipinasok po sa ating Impeachment Court,” giit ni Matibag. Ernie Reyes