Home OPINION LRT-1 EXTENSION: SINONG MANANAGOT SA SA BILYONG PISONG ANTALA?

LRT-1 EXTENSION: SINONG MANANAGOT SA SA BILYONG PISONG ANTALA?

6
0

MAY mga panawagan sa Ombudsman na simulan na ang imbestigasyon sa pagka-antala ng konstruksiyon ng LRT-1 Cavite Extension upang matukoy na kung sino ang mga taong may kinalaman sa pagka-antala na dapat sampahan ng kaso.

Sabi kasi ni Las Piñas Congressman Mark Anthony Santos, patuloy na binabalikat ng taumbayan ang pagbabayad ng multa sa Light Rail Manila Corporation na nangangasiwa sa proyekto dahil sa pagka-antala ng konstruksiyon na ngayon ay umaabot na sa halos P4 bilyong piso ang naibabayad mula sa buwis ng taumbayan.

Sinimulan ang proyekto sa panahon pa ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino at may orihinal na target na matatapos para maging fully operational mula Baclaran hanggang Bacoor sa taong 2021.

Pero dahil nahirapan ang gobyerno sa pagkuha ng karapatan sa lupa o right-of-way at ang pinakahuling problema sa isyu ng alignment sa Las Piñas City, nakatakdang muli ang target completion sa taong 2031 o sa susunod ng administrasyon.

Sa ngayon kasi, ang Phase 2 (Las Pinas at Zapote) at Phase 3 (Niog, Bacoor) pa ng proyekto ang nakabinbin dahil nagkaroon nga ng problema sa alignment ng tayuan ng Department of Public Works and Highways ng Flyover ang Quirino Highway sa Las Piñas na orihinal na daraanan ng proyekto.

Itinayo ang flyover sa panahon ng panunungkulan ni Senator Mark Villar bilang kalihim ng DPWH kahit alam niya na doon dadaan ang LRT-1 Extension kaya’t nagkaroon ng hinala na sinadya ito ng dating kalihim upang ilihis ang proyekto para dumaan sa kanilang mga ari-arian sa C-5, Las Pinas.

Dito nag-ugat ang pahayag ng Ombudsman na iimbestigahan nila ang magkapatid na Mark at Camille Villar dahil sa umano sa pakikialam sa proyekto nang sa ganoon ay sa kanilang ari-arian ito dumaan na mariin namang itinanggi ng magkapatid.

Magugunita na noong taong 2009, inimbestigahan ng Senado si dating Senador at Presidential candidate Manny Villar dahil sa alegasyong binago umano niya ang orihinal na disenyo ng Daan Hari Highway upang dumaan ang proyekto ng gobyerno sa mga lupain at real estate properties ng kanyang pamilya nang sa gayon ay tumaas ang halaga ng kanilang ari-arian.

Kahit itinanggi ito ni Villar at sinabing ang proyekto ay para sa kapakanan ng publiko upang maibsan ang matinding trapiko sa katimugang bahagi ng Kalakhang Maynila at ng lalawigan ng Cavite, naging daan ito para hindi niya makamit ang panalo sa pagiging Pangulo ng bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here