TILA magkakambal sina Senator Ping Lacson at National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag sa layuning ipakulong si Senator Peter Alan Cayetano.
Naunang nagsabi si Lacson na bagay sa Quezon City Jail si Cayetano dahil sa pagkakaroon umano nito ng mga insertion at ghost project sa imprastraktura sa Taguig City.
Kinakalkal naman ni Matibag ang umano’y SEA Games project at mga ghost project sa Taguig na umano’y kinasasangkutan ni Cayetano na posibleng mauwi rin sa pagkakakulong ng senador.
Ayon kay Lacson, nasundot ni Cayetano ang huling depensa niya sa mga atake sa kanya at ‘yun ang pagbibintang na may kwestiyonable itong yaman sa kabila umano ng hindi nito pagkakasangkot sa anomang anomalya habang may pwesto siya sa gobyerno.
Hindi naman malinaw kung saan galing ang pag-iimbestiga ni Matribag kay Cayetano ngunit sinasabi ng huli na kumikilos ang una para i-harass siya sa kasalukuyang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayaw umano ni Matibag, bilang witness ng prosekusyon, na gisahin ni Cayetano.
Sa mas malawak na usapin, tinitingnan ang mga pangyayaring ito na may rumerenda sa lahat.
Isa, kung makukulong si Cayetano, gaya ng ibang dalawang senador, mababawasan ang senator-judges na kritikal ang mga punto sa impeachment trial, lalo na sa tunguhing pagdedeklarang guilty si VP Sara.
Ikalawa, mababawasan ang senator-judges na makabuo ng patas na public opinion sa impeachment kung makukulong si Cayetano at hindi na makapaglalabas pa ng anomang pahayag.
Ikatlo, kung magiging guilty sa akusasyon sa hukuman, ang sinomang senador ay ’di na muling makahahawak ng posisyon hanggang hindi sila binibigyan ng clemency mula sa Pangulo at kakambal ng pagbabalik ng buo nilang karapatan bilang mamamayan.
Ikaapat, magkakaroon ng chilling effect o takot sa senator-judges sa rumerenda sa impeachment at magbubunga ito ng tabinging pagdedesisyon dito, pagsibak sa pwesto at pagkukulong din kay VP Sara sa huli.
O paano?






