KULANG isang linggo na lang bago ang State of the Nation Address, kapansin-pansing tila walang sinoman ang nasasabik sa magandang ibabalita ni Pangulong Marcos Jr. sa harap ng taumbayan.
Ang grupo na inatasang maghanda ng mabubulaklak niyang itatalumpati ay tiyak na mga nangangamote sa ngayon. Ano ang magagandang iuulat sa bayan ng Pangulo? Marahil ang kanilang tanong.
Sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations, ang trust rating ni Pangulong Marcos ay lumagapak sa bagong record-low sa ikalawang quarter ng taon. Nagpakita ito na 34 porsyento lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwala kay Marcos—mula sa 35 porsyento noong Marso.
Ito ang pinakamababang rating ng “trust” na natanggap ni Marcos simula noong Hulyo 2024 kung kailan niya natamo ang kanyang pinakamataas na kumpiyansa sa mga Pilipino na 64 na porsyento.
Sa hiwalay namang survey ng Pulse Asia Research Inc. na inilabas noong Lunes, lalong bumagsak ang ratings ni Bongbong. Ang trust rating ng Pangulo ay nasa 28%, habang 51% ang nagsabing wala silang katiwa-tiwala sa kanya.
Dalawang taon na ang nakalilipas, ginamit ni Marcos Jr. ang SONA para ipagmalaki ang tungkol sa 5,500 flood control projects na nakumpleto ng kanyang gobyerno. Subalit nakalulungkot na ilang araw matapos ang “pagyayabang” na iyon, bumaha nang todo sa bansa at lumutang ang malubhang katiwalian na nauugnay sa mga nasabing proyekto.
Sa sumunod na SONA, dahil sa pagnanakaw sa pondong bayan, pinagalitan ni Marcos Jr. ang mga politiko at sinabihang “Mahiya naman kayo”. Naging klasiko ito dahil nang imbestigahan, kabilang pala sa tinutumbok ng pinakamalalang nakawan sa kasaysayan maging ang kanyang tanggapan.
Dismayado ang publiko sa mga nangyayaring pagtatakip sa tinatawag na pinakamalaking iskandalo ng korapsyon sa ating kasaysayan na ito.
Ito ang sinasabing pangunahing dahilan ng pagbagsak ng performance rating ng administrasyon ni Marcos.
Wari bang hindi bale nang mawalan ng tiwala ang taumbayan sa buong gobyerno, nagtagumpay naman ito na pagtakpan ang tunay na saklaw ng malawak na pandarambong.
Asahan na sasagutin ng Pangulo ang isyu ng korapsyon sa kanyang magiging talumpati sa ikalima niyang SONA. Tiyak na susubukan niyang magmukhang matagumpay hangga’t maaari ang kanyang gobyerno. Kukumbinsihin niya ang mga Pilipino na ang kalagayan ng bansa ay maunlad at maayos.
Ito ang huli niyang pagkakataon na iligtas ang mga natitira sa kanya. Pero ang tanong: Anong klaseng pagmumukha ang kanyang ihaharap?






