Home HOME BANNER STORY Signal No. 1, itinaas sa 11 lalawigan sa bagyong Kiyapo

Signal No. 1, itinaas sa 11 lalawigan sa bagyong Kiyapo

3
0

MANILA, Philippines — Isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang 11 lalawigan nitong Huwebes ng umaga habang papalapit ang Tropical Depression Kiyapo sa hilagang dulo ng Luzon, ayon sa PAGASA.

Sakop ng babala ang Batanes; Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands; Isabela; Apayao; Abra; Kalinga; gitna at silangang bahagi ng Mountain Province; silangang bahagi ng Ifugao; Ilocos Norte; hilagang bahagi ng Ilocos Sur; at hilagang bahagi ng Aurora.

Inaasahang lalakas si Kiyapo bilang tropical storm pagsapit ng Biyernes, Hulyo 24, bago dumaan nang napakalapit sa hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan sa umaga o hapon. Maaari itong dumaan malapit o mag-landfall sa Babuyan Islands sa hapon o gabi.

Ayon sa PAGASA, Signal No. 2 ang posibleng pinakamataas na babalang itataas habang tumatawid ang bagyo. Gayunman, hindi inaalis ang posibilidad na lumakas pa ito bilang severe tropical storm bago tumawid sa extreme Northern Luzon. Posible rin ang landfall sa mainland Cagayan.

Maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility si Kiyapo sa Sabado ng umaga o tanghali, Hulyo 25.

Dakong alas-4 ng madaling araw nitong Huwebes, namataan si Kiyapo sa layong 950 kilometro silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kph habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Nagdudulot na ng mga pag-ulan ang trough o extension ng bagyo sa Bicol Region, Eastern Visayas at Romblon. Samantala, nakaaapekto ang southwest monsoon o Habagat sa Mindanao, nalalabing bahagi ng Visayas, Occidental Mindoro at Palawan.

Inaasahan ang malalakas na hangin at katamtaman hanggang matinding pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon sa Biyernes at Sabado.

Posibleng makaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Cagayan at Apayao sa Biyernes, habang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang inaasahan sa Batanes, Isabela, Kalinga, Abra at Ilocos Norte.

Sa Sabado, maaaring makaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Apayao, Ilocos Norte at Ilocos Sur. Katamtaman hanggang malakas na pag-ulan naman ang inaasahan sa Batanes, Cagayan, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet at La Union.

Magdadala rin ang Habagat ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Zamboanga Peninsula, mga lalawigan ng Lanao, Maguindanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani at Negros Oriental sa Huwebes; Antique at mga lalawigan ng Negros sa Biyernes; at Antique at Occidental Mindoro sa Sabado.

Maaari ring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Northern at Central Luzon dahil kay Kiyapo. Magdadala naman ng mga pag-ulan ang Habagat sa nalalabing bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Nagbabala ang PAGASA sa mataas na panganib ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming bahagi ng bansa. Maaaring mas malakas ang ulan sa matataas at mabundok na lugar, habang ang mga naunang pag-ulan ay posibleng magpalala sa panganib ng pagbaha at landslide sa ilang lokalidad.

Pinayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga ulat-panahon at gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang mapangalagaan ang buhay at ari-arian. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here