MANILA, Philippines – Nagdesisyon ang Korte Suprema na ang mga error sa deed of sale ay maaaring maitama upang makita ang tunay na kasunduan ng mga partido.
Sa desisyon, kinatigan ng SC Third Division ang validity ng pagbebenta ng 491-square-meter na parcel ng lupa sa Cebu sa pagitan ng mga buyer at mga seller, maging ang mga tagapagmana ng seller.
“Accordingly, the error in designation should not defeat the true intent of the parties. The Civil Code recognizes that when a written instrument fails to express the real agreement due to a mistake, the proper recourse is to interpret and, if necessary, reform the contract in accordance with the true intent of the contracting parties,” anang SC.
Sinabi pa ng SC na inokupa ng mga buyer ang property ng 20 taon at ang kanilang pagmamay-ari ay naantala nang pumasok sa property ang mag-asawa, sinira ang kanilang bakod at nagtayo ng sariling pwesto.
Nadiskubre na lamang ng mga buyer na ang titulo ng ari-arian ay nakapangalan sa mag-asawa, dahilan upang maghain ito ng reklamo sa regional trial court (RTC) para kanselahin ang titulo.
Hinamon naman ng mga tagapagmana ng seller ang reklamo at iginiit na ang mga buyer ay nagpresenta ng dokumento na tumutukoy sa ibang ari-arian, na Lot No. 6036-B sa halip na ang kanilang lupang inookupa na Lot No. 7.
Sinabi rin ng mga ito na mali ang extrajudicial settlement at sale na isinagawa ng mga seller.
Pinaboran ng RTC ang mga buyer, ngunit ito ay nabaliktad sa Court of Appeals.
Muli namang sinang-ayunan ng SC ang ruling ng RTC.
Sinabi ng SC na sa ilalim ng Civil Code, ang written document ay maaaring maitama kung hindi nito ipinapakita ang aktwal na kasunduan ng dalawang partido dahil sa pagkakamali.
Maaari rin aniya itong maitama kung papayag ang mga partido sa transaksyon, kung ang written document ay hindi nagpapakita ng tunay na kasunduan, at kung ang error ay dahil sa mistake, fraud, accident, o unfair conduct.
Sinabi rin ng SC na ang reference sa Lot No. 6036-B sa deeds of sale ay isang clerical error at hindi nagpapakita ng tunay na kasunduan ng mga partido.
“The true intention of the parties is readily determinable from the records. The parties’ actions before, during, and after the execution of the 1979, 1981, and 1982 deeds of sale demonstrate that the object of the sale is the subject property, not Lot No. 6036-B.”
Ang desisyon, na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, ay ipinonente noong Disyembre 2025 at isinapubliko ngayong buwan. RNT/JGC