MANILA, Philippines – Magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang southwest monsoon o habagat sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon ngayong Lunes, Hulyo 27, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Apektado rin ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Mimaropa, Zambales, Bataan, Bulacan, Cavite, Laguna, at Batangas.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ng flash flood o landslide ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga apektadong lugar.
Samantala, makararanas ng panaka-nakang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat ang natitirang bahagi ng Luzon at iba pang lugar sa bansa dahil sa localized thunderstorms. Posible rin ang flash flood o landslide sa panahon ng matinding thunderstorm.
Katamtamang hangin at alon ang inaasahan sa kanlurang bahagi ng Luzon. Sa ibang lugar, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin, habang bahagya hanggang katamtaman ang pag-alon ng dagat. RNT