MANILA, Philippines — Inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ang mga hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, sinabi ni Marcos na matagumpay na nakabili at nakapag-angkat ang Pilipinas ng langis mula sa Japan, South Korea, Oman, India, Russia at China.
“We have done everything possible to lower prices and slow their increase,” aniya.
Binanggit din ni Marcos ang paglalaan ng pamahalaan ng mahigit ₱60 bilyon upang maipagpatuloy hanggang katapusan ng taon ang tulong sa mga Pilipinong apektado ng krisis sa Gitnang Silangan.
“Mga kababayan, sa ating pagbalik-tanaw, kaya ko kayong harapin, at sabihin na ginawa natin ang lahat ng nararapat upang malunasan ang mga epekto ng krisis. Agarang kumilos ang buong pamahalaan upang tumulong sa mamamayan. Sa katunayan, tayo pa ay hinangaan dahil sa bilis, liksi, at pagiging aktibo ng ating pagtugon,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na patuloy pa ring nararamdaman ng mga Pilipino ang epekto ng krisis limang buwan matapos sumiklab ang digmaan at tiniyak na hindi titigil ang suporta ng pamahalaan hangga’t kinakailangan.
“Limang buwan mula sumiklab ang digmaan, ramdam pa rin natin ang bigat ng mga epekto nito sa ating bansa. Hanggang kailangan, asahan ninyo na hindi titigil ang pagsuporta ng pamahalaan. Naglaan tayo ng mahigit animnapung bilyong piso para dito, hanggang katapusan ng taon,” giit niya.
Ayon kay Marcos, ilalaan sa mga programang para sa higit na nangangailangan ang pondong nabawi mula sa mga kaso ng korapsyon.
“Ang pondo na naisalba natin na balak ibulsa ng mga tiwaling opisyal, ay sa taumbayan natin ibubuhos. Ngayon, ipipihit natin ang mga programa sa mas nangangailangan nating kapwa-Pilipino, para naman mas malawak at mas marami ang maaabot ng tulong.”
Prayoridad sa ayuda ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Walang Gutom Program, 1.5 milyong minimum wage earner na miyembro ng Social Security System, at 2.5 milyong mahihirap na Pilipinong hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Magpapatuloy din ang suporta sa mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at overseas Filipino workers na naapektuhan ng krisis.
Sa kabuuan, mahigit 7.5 milyong pamilyang nangangailangan ang inaasahang makikinabang sa tulong ng pamahalaan.
Idinagdag ni Marcos na isusulong din ng administrasyon ang mga hakbang para sa tax relief ng middle class at ipagpapatuloy ang suporta sa maliliit na negosyong naapektuhan ng patuloy na epekto ng krisis. RNT