Home HOME BANNER STORY Marcos: Tungkulin ko ay sa mga Pilipino, hindi sa pamilya

Marcos: Tungkulin ko ay sa mga Pilipino, hindi sa pamilya

1
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang kanyang tungkulin ay sa sambayanang Pilipino at hindi sa kanyang pamilya o mga kaalyado, habang umabot na kay dating House Speaker Martin Romualdez ang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address nitong Lunes, sinabi ni Marcos na naghahanda na ang Office of the Ombudsman na magsampa ng patong-patong na kaso laban sa isang dating House Speaker.

“Masakit man sa akin ito, pero kailangan nating gawin ang tama.”

“Hindi ako pangulo ng aking pamilya. Hindi ako pangulo ng aking kaibigan. Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo, ang aking mga kapwa Pilipino,” aniya pa.

Ayon kay Marcos, may mga kontratista, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways at mga mambabatas nang kinasuhan at ikinulong matapos ang isang taong imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project.

“Gaya ng aking ipinangako sa inyo, nagsagawa tayo ng malawakan at mala-limang imbestigasyon, na walang pagkiling kahit kanino man,” dagdag pa ng Pangulo.

“Masusi nating sinuri at sinundan kung saan tayo itinuro ng ebidensya. Lahat ng kailangang gawin ay ginawa natin upang matunton ang puno’t dulo.”

Sinabi ng Pangulo na pinigilan na ng pamahalaan ang pagpapalabas ng pondo para sa umano’y mga depektibo, peke o hindi umiiral na proyekto na sangkot ang mga iniimbestigahang kontratista at opisyal.

Halos ₱25 bilyong halaga ng pera at mga ari-ariang nauugnay sa mga akusado ang nabawi, na-freeze o napreserba, habang mahigit ₱800 milyon na ang naibalik sa National Treasury.

Idinagdag ni Marcos na ibabalik sa kaban ng bayan ang lahat ng ari-ariang mababawi mula sa mga mapatutunayang may pananagutan. Ang pag-uusig sa mga kaso ay ipinauubaya na sa Ombudsman at sa pinalakas na National Prosecution Service.

Sinabi rin ng Pangulo na gumagalaw na ang “wheels of justice” at nagpahayag siya ng tiwala na patas na pagpapasyahan ng mga hukuman ang mga kaso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here