Home NATIONWIDE Sining laban sa taas-presyo, privatization ng palengke tampok sa SONA outfit ni...

Sining laban sa taas-presyo, privatization ng palengke tampok sa SONA outfit ni Elago

2
0

MANILA, Philippines -Dumalo si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa 2026 State of the Nation Address (SONA) suot ang isang simpleng puting kasuotan na may tampok na hand-painted artwork bilang pagpapakita ng panawagan ng mga kababaihang Pilipino para sa makatarungang ginhawa sa ekonomiya sa gitna ng mataas na bilihin, pagtaas ng singil sa kuryente at tubig, at banta ng pribatisasyon ng mga pampublikong pamilihan.

Ipinapakita sa likhang-sining ang mga kababaihan mula sa iba’t ibang sektor na nagkakaisa laban sa mataas na presyo ng pagkain pati na rin sa mga pahirap na buwis.

Binibigyang-diin din nito ang kampanya para ipagtanggol ang mga pampublikong palengke laban sa corporate takeover.

“Habang ipinagmamalaki ng administrasyon ang pag-unlad ng ekonomiya, kababaihan at mga pamilyang Pilipino naman ang patuloy na nagdurusa sa mataas na presyo ng pagkain, kuryente, tubig, at iba pang batayang pangangailangan. Ito ang tunay na kalagayan na nais nating dalhin sa SONA,” ani Elago.

Ayon sa mambabatas, sinasalamin ng likhang-sining ang pang-araw-araw na pakikibaka ng mga kababaihan na nagpupursiging pagkasyahin ang budget ng pamilya.

“Ang bawat babae sa likhang-sining na ito ay sumisimbolo sa milyun-milyong kababaihan na araw-araw na lumalaban para maitaguyod ang kanilang pamilya. Hindi dapat sila ang patuloy na nagsasakripisyo habang pinapaboran ang malalaking korporasyon at ipinapasa sa mamamayan ang bigat ng krisis,” saad pa niya.

Kasama ni Elago sa SONA si Sofia Villanueva, isang 63-anyos na tindera mula sa Baguio Public Market at lider ng Save Baguio Market Movement. Si Villanueva, na 41 taon nang nagtitinda, ay kumatawan sa pambansang kampanya laban sa pribatisasyon at “mallification” ng mga pampublikong palengke.

Ang nasabing likhang-sining ay nilikha ng visual artist at educator na si Michael Joselo Villanueva, na mas kilala bilang si Michael Joselo, na kilala sa paggamit ng sining upang itampok ang mga napapanahong isyung panlipunan at kultura. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here