MANILA, Philippines – Suportado ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang system loss charge sa bayarin sa kuryente ng mga consumer.
Ayon sa ERC, handa itong makipagtulungan sa Kongreso, Department of Energy (DOE), at iba pang ahensya upang maisulong ang kinakailangang mga batas at regulasyon.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), hiniling ni Marcos sa Kongreso na alisin ang system loss charge upang mabawasan ang gastusin sa kuryente ng mga pamilya at negosyo.
Ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala habang ipinapadala at ipinapamahagi dahil sa teknikal na dahilan o iligal na koneksyon gaya ng jumper at pagnanakaw ng kuryente.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, kabilang ang EPIRA at Republic Act No. 7832, maaaring ipasa ng mga distribution utility ang bahagi ng system loss sa mga consumer sa pamamagitan ng system loss charge.
Nagpahayag din ng suporta ang DOE sa panukala, habang nanawagan naman ang Meralco ng masusing pagtalakay dahil sa posibleng epekto nito sa operasyon at pananalapi ng mga power distributor.
Iginiit ng ERC na patuloy nitong susuportahan ang mga repormang magpapababa sa singil sa kuryente nang hindi isinasakripisyo ang kalidad, pagiging maaasahan, at pagpapatuloy ng serbisyo. RNT/MDS