Home METRO Pagkasawi ng pilot trainee sa pagsasanay, walang foul play – Navy

Pagkasawi ng pilot trainee sa pagsasanay, walang foul play – Navy

1
0

MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine Navy na wala pang nakikitang palatandaan ng foul play sa pagkamatay ni Naval Officer Candidate Aldwayne Dulnuan habang sumasailalim sa pagsasanay sa Zambales, ngunit nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Ayon sa Navy, matapos makumpleto ni Dulnuan ang nakatakdang 5-kilometer run noong Hulyo 21, nakaranas siya ng matinding pagkahilo at panginginig bago bumagsak. Agad siyang binigyan ng paunang lunas at inilipat sa San Marcelino District Hospital, kung saan pinaghinalaang heat stroke ang kanyang kondisyon. Kalaunan ay inilipat siya sa Ulticare Medical Center para sa mas espesyal na gamutan.

Sa kabila ng patuloy na paggamot, idineklarang patay si Dulnuan dakong 12:53 p.m. noong Hulyo 22.

Sinabi ng Navy na batay sa medical findings, ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay matinding impeksyon sa central nervous system na may kasamang problema sa respiratory system.

Patuloy ang imbestigasyon ng Naval Education, Training and Doctrine Command (NETDC) at pakikipag-ugnayan nito sa mga medical authority upang matukoy ang buong pangyayari.

“The investigation is ongoing, and based on the information available at this stage, there is no indication of foul play,” ayon sa Philippine Navy.

Iginiit din ng Navy na mayroon itong “strict zero-tolerance policy against maltreatment, abuse, bullying, sexual harassment, and all other forms of misconduct.”

Samantala, nanawagan ang pamilya ni Dulnuan, ang komunidad ng Cordillera, at mga opisyal ng Kiangan, Ifugao ng mabilis, masusing, at transparent na imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang insidente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here