MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Meta, TikTok, at iba pang social media platforms upang pigilan ang pagkalat ng disinformation at ipatupad ang kanilang community standards.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, mas mahirap na ngayong matukoy ang maling impormasyon dahil sa deepfake at mabilis na paglikha ng mga bagong fake accounts at websites.
“Ang problema lang, with the state of technology right now, especially with deep fake, nakakalusot. At saka yung mga gumagawa niyan, pag may tine-take down ka na fake site, ang bilis mag-regenerate.”
Hinimok din ng DICT ang mga platform na gumamit ng verified identities at lagyan ng malinaw na label ang mga content na ginawa o tinulungan ng artificial intelligence (AI).
Batay sa Pulse Asia survey, 72% ng mga Pilipino ang naniniwalang malaking problema ang disinformation. Gayunman, 56% lamang ang nagsabing bineberipika nila ang impormasyon sa ibang mapagkakatiwalaang source.
Ayon kay Pulse Asia President Ronald Holmes, magkakaiba ang tingin ng mga tao sa kung sino ang mapagkakatiwalaang source, at nakaaapekto rito ang matinding political polarization.
Sinabi rin niya na mahalaga ang transparency ng mga institusyon upang mabawasan ang pagkalat ng maling impormasyon.
Samantala, sinabi ni Aguda na nakikipagtulungan ang DICT sa Kongreso sa mga panukalang batas na magtatakda ng mas mahigpit na patakaran laban sa disinformation, habang pinangangalagaan ang freedom of expression at free speech. RNT/MDS