MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Marikina Rep. Miro Quimbo na maipapasa ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ang tax relief package na isa sa mahalagang agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na binanggit sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) hanggang buwan ng Oktubre ngayong taon.
Sa isinagawang press conference ay inamin ni Quimbo na na dahil sa pagkalugi ng mahigit sa P50 bilyon ay mapipilitan ang gobyerno na bawiin ito sa pamamagitan ng pagtataas sa buwis ng mga produktong katulad ng vape, produktong tabako, mga produktong plastik, mga sweetened beverages, at mga electric vehicles..
“Sa tantya ng Department of Finance ay aabot sa P50 bilyon ang mawawala doon sa pagtaas ng exemption to P350,000 at may pangalawang aspeto po diyan ay iyong pagtaas ng 13th month pay exemption.”
Ipinaliwanag pa ni Quimbo na may dalawang paraan ng pag-compute ng buwis sa kita ng isang sumasahod na Pilipino.
“Tinitingnan muna iyong gross income mo at doon ito-total o ibabawas iyong statutory deduction doon naman idadagdag ang other incomes for the year at kadalasan diyan ay ang 13th month, 14th month at 15th month, service incentives bonus, anniversary bonus. Iba-iba ang tawag diyan but any compensation that you receive outside of your regular paycheck, ang tawag diyan ay naka-lock together as 13th month pay,” paliwanag pa ni Quimbo.
Sinabi pa ni Quimbo na sa kasalukuyan ay exempted sa buwis ang kita na hindi lalagpas sa P90,000 ngunit rerepormahin din aniya ito at gagawing P120,000 na total bonuses upang walang bayarang buwis.
“So anuman po ang sosobra diyan ina-add together iyan at hinahanap kung saang bracket kayo. If all of that ay hindi pa rin lumagpas ng P350,000, you are going to be a tax exempted entirely,”
Sa ngayon ayon pa rin sa mambabatas ay isa sa maituturing na produkto na panganib sa mga kabataan ay ang vape na ayon kay Quimbo ay maituturing na pandemya na dapat ma-address dahil sa napakababa ng buwis nito.
Ang buwis aniya ng vape ay nasa P6.00 per ml na pinakamura aniya sa buong mundo kung kaya madali aniyang bilhin o accessible sa merkado. (Meliza Maluntag)