MANILA, Philippines – Muling pinagtibay ni Senador Bam Aquino ang kanyang pangako na tugunan ang mga hamong pumipigil sa paglago ng maliliit na negosyo sa kanyang pagbabalik bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
Inulit ni Aquino ang pangakong ito sa kanyang pulong sa pharmacist at content creator na si Arshie Larga, na nagbahagi ng mga suliraning kinahaharap ng mga may-ari ng maliliit na negosyo, partikular sa pagkuha ng mga permit, pagsunod sa tax requirements, at pagdaan sa iba pang mga prosesong itinatakda ng pamahalaan.
“Gusto natin magpa-hearing tungkol sa mga nagpapahirap sa maliliit na negosyo. Iisa-isahin natin para na matigil na iyan,” wika ni Aquino.
“The government should go from nagpapahirap, towards ‘di na kami sagabal’, towards the ultimate goal na kami na ang tumutulong,” dugtong pa niya,
Ayon kay Aquino, patuloy niyang isusulong ang mga repormang magpapadali sa pagnenegosyo at lilikha ng mas maraming oportunidad para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Larga na magdudulot ang pamumuno ni Aquino ng makabuluhang suporta sa maliliit na negosyo at magpapalakas sa ugnayan ng pamahalaan at ng mga MSME.
“With your leadership, hopefully maramdaman naming mga small businesses ang tulong from the government. At the end of the day, gusto niyong tulungan kami, gusto rin naming tulungan ang gobyerno in the best way we can,” wika ni Larga.
Bilang matagal nang tagapagtaguyod ng MSMEs at karapatan ng mga mamimili, si Aquino ang principal sponsor at author ng Go Negosyo Act sa una niyang termino sa Senado habang nagsisilbing chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship noong 16th Congress.
Sa ilalim ng Go Negosyo Law, nabibigyan ang MSMEs—na bumubuo sa 99 porsiyento ng lahat ng negosyo sa bansa—ng mas malaking access sa merkado at financing, pagsasanay at mga programang nagpapalakas ng kanilang kakayahan, at mas pinasimpleng proseso ng pagpaparehistro ng negosyo para sa mga nagsisimula o nagpapalawak ng kanilang mga negosyo.
Isinusulong din ni Aquino ang pagsasabatas ng kanyang Senate Bill No. 265, na naglalayong alisin ang excise tax na ipinapataw sa diesel, kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), fuel oil, at unleaded gasoline sa ilalim ng TRAIN Law.
Ayon sa senador, kapag naisabatas ang panukalang ito, makatutulong itong mapagaan ang pasanin ng mga producer at maliliit na negosyo sa pamamagitan ng pagpapababa ng gastusin sa gasolina at logistics.
Isinusulong din niya ang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 267, na naglalayong itaas ang taunang income tax exemption threshold mula P250,000 tungo sa P480,000, upang mas malaki ang maiuwing kita ng mga manggagawa.
Upang makatulong sa pagpapababa ng gastos sa kuryente, inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 266, na naglalayong alisin ang value-added tax (VAT) sa pagbebenta ng kuryente ng mga generation, transmission, at distribution companies, gayundin ng mga electric cooperative.
Inihain din ni Aquino ang Senate Bill No. 2047, na naglalayong ibaba ang VAT sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo, mula 12 porsiyento tungo sa 10 porsiyento. Ernie Reyes