Home NATIONWIDE Kauna-unahang Energy Museum sa bansa, pinasinayaan ni PBBM

Kauna-unahang Energy Museum sa bansa, pinasinayaan ni PBBM

3
0

MANILA, Philippines – MULING pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules, Hulyo 29 ang pangako ng administrasyon na pababain ang halaga ng kuryente para sa mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga reporma na mag-aalis ng obligasyon ng mga konsyumer na magbayad para sa system losses ng power system.

Ang system losses ay dagdag-singil sa kuryente na ipinapasa sa mga konsyumer na nakukuha ng mga power distribution companies.

Pinangunahan din ng Pangulo ang pagpapasinaya sa kauna-unahang interactive Energy Museum ng bansa na naglalayong palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa enerhiya at isulong ang responsableng paggamit ng kuryente.

Sa kanyang talumpati sa pagpapasinaya ng Energy Museum ng Department of Energy (DOE) at pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), sinabi ni Pangulong Marcos na bahagi ang pasilidad ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na turuan ang mga Pilipino kung paano nalilikha, naipapadala, at nagagamit ang kuryente, habang pinatitibay ang pakikilahok ng publiko sa pagtitipid ng enerhiya.

“Sa pagbubukas ng kauna-unahang interactive Energy Museum ng Pilipinas, binubuksan natin ang isang lugar na nakatuon sa pagtulong sa bawat Pilipino na higit na maunawaan ang mahalagang papel na ginagampanan ng enerhiya sa ating pang-araw-araw na buhay,” ani Pangulong Marcos.

Idinaos ang pagpapasinaya ng Energy Museum at ang pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng EPIRA sa DOE Energy Center sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City ngayong Hulyo 29, 2026.

Inikot ng Pangulo ang museo sa pangunguna at pagbibigay ng paliwanag nina DOE Secretary Sharon Garin at kilalang negosyanteng Pilipino na si Ramon Ang. Dumalo rin sa okasyon ang iba pang mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan.

Sinabi ng Pangulo na sinusuportahan ng museo ang direktiba ng administrasyon sa DOE na palakasin ang kamalayan ng publiko sa mga usaping pang-enerhiya sa pamamagitan ng mga interactive exhibit na nagpapakita ng iba’t ibang pinagkukunan ng enerhiya at teknolohiya ng bansa, kabilang ang solar, geothermal, hangin, hydropower, natural gas, energy storage systems, at nuclear energy.

Ayon kay Pangulong Marcos, nagsisilbi rin ang museo bilang pamumuhunan para sa hinaharap na lakas-paggawa ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay-inspirasyon sa mga mag-aaral na tahakin ang karera sa sektor ng enerhiya.

Aniya, “Maaaring ikaw ito. Ang kinabukasan ng enerhiya ng Pilipinas ay itatayo ng mga estudyanteng bibisita o tatayo sa museong ito.”

Sa parehong okasyon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mga nakamit ng EPIRA sa nakalipas na 25 taon. Aniya, binuksan ng batas ang sektor ng power generation sa pribadong pamumuhunan, pinalawak ang kapasidad ng paglikha ng kuryente, at nagtaguyod ng isang mapagkumpitensyang merkado na sumusuporta sa paglago ng renewable energy, na ngayon ay bumubuo ng 25 porsiyento ng suplay ng kuryente ng bansa.

Sa kabila ng mga tagumpay na ito, kinilala ni Pangulong Marcos na nananatiling hamon ang mataas na singil sa kuryente at muling iginiit ang pagsusulong ng administrasyon sa pag-amyenda sa EPIRA, partikular ang pag-aalis ng paniningil ng system loss at kaukulang value-added tax (VAT) sa mga konsyumer ng kuryente.

“Sa aking State of the Nation Address noong nakaraang Lunes, hiniling ko sa Kongreso na amyendahan ang EPIRA upang alisin ang paniningil ng system loss sa mga konsyumer, kabilang ang kaukulang value-added tax. Makatarungan lamang na ang mga pamilyang Pilipino ay magbayad para lamang sa kuryenteng kanilang ginagamit—at hindi para sa mga kakulangan na wala silang kontrol,” ani Pangulong Marcos.

Hinimok din ng Pangulo ang publiko na suportahan ang kampanya ng pamahalaan para sa episyenteng paggamit ng enerhiya, at iginiit na ang seguridad sa enerhiya ay nangangailangan ng pakikilahok ng bawat Pilipino.

“Sama-sama nating hubugin ang isang sektor ng enerhiya na maaasahan, napapanatili, at karapat-dapat sa mga mithiin ng ating mamamayan,” ang winika pa rin ni Pangulong Marcos. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here