CAVITE — Patay ang isang dayuhan matapos pagsasaksakin sa Barangay Iba, Silang, Cavite, Miyerkoles ng gabi, Hulyo 29, ayon sa Cavite Police Provincial Office (Cavite PPO).
Nakatanggap ang Silang Municipal Police Station ng ulat tungkol sa isang lalaking duguan at nakahandusay sa kalsada dahil sa maraming saksak sa katawan.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa tabi ng isang SUV na ang kaliwang gulong sa harapan ay nahulog sa kanal. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang patay ng attending physician.
Ayon sa isang saksi, tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang nakitang sumakay sa isang traysikel at tumakas patungo sa hindi matukoy na direksiyon.
Sinabi ng Cavite PPO na mukhang East Asian ang biktima. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Bureau of Immigration at ilang embahada upang matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan at nasyonalidad.
Patuloy ding tinutugis ng mga awtoridad ang mga lead upang makilala ang mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaslang. Mary Anne Sapico