MANILA, Philippines – Ginagamit umano ni Vice President Sara Duterte ang kanyang mga pagpapakita sa The Hague para palakasin ang kanyang political base para sa 2028, habang ang kanyang mga abogado naman ang iniiwanan niyang harapin ang ebidensya laban sa kanya sa impeachment trial.
Ito ang assessment ni House impeachment trial spokesperson Zia Alonto Adiong matapos ang isinagawang “Free Duterte Now” rally sa labas ng International Criminal Court (ICC) na pinangunahan ni VP Sara.
“Una, I think nagra-rally lang siya ng support talaga eh. That’s how we see it,” ani Adiong.
Opisyal na inanunsyo ni Duterte noong Pebrero na tatakbo siyang pangulo sa 2028.
Ayon kay Adiong, kampanya na rin talaga ang ginagawa nito sa ibang bansa para mapanatili niya ang suporta mula sa ibat ibang grupo.
“Kaya nga nakikita natin na itong ginagawa ng bise presidente ay nagiging kampanya na siya in a way,” dagdag pa nito.
Kasabay ng overseas trip ni VP Sara ang pagtanggap ng Senate Impeachment Court ng testimonya at mga dokumentong may kinalaman sa P612.5 milyong confidential funds na inilabas sa OVP at DepEd.
Kinakaharap ni Duterte ang mga kasong may kinalaman sa confidential funds, unexplained wealth, bribery, at grave threats.
Iginiit ng prosecution panel na nilabag ni VP Duterte ang Konstitusyon at hindi na “fit” na manatili sa kanyang pwesto.
“Makikita naman ng taong bayan sa ating impeachment trial kung talagang worthy siya to be our next leader,” pagtatapos ni Adiong. Gail Mendoza