CEBU, Philippines – Umabot sa 16 na lugar sa Cebu City ang napinsala ng matinding pagbaha bandang 3 p.m. noong Huwebes matapos ang malakas na pag-ulan.
Ayon kay Cebu City Disaster Council Chairperson Dave Tumulak, kabilang sa mga binaha ang Tisa, Labangon, Zapatera, Basak Pardo, at Guadalupe.
Tinatayang ang lalim ng baha ay mula 12 pulgada hanggang mahigit tatlong talampakan sa iba’t ibang lugar.
“One area (Dakit, Guadalupe) needed immediate evacuation as it is not accessible by vehicle and the level of flood is of a basketball ring,” aniya.
Naitala rin ang pagguho ng lupa sa Miramonte, Pit-os.
Patuloy na mino-monitor ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office ang antas ng siyam na ilog, at marami ring tao ang na-stranded dahil sa baha.
Humupa ang baha makalipas ang isang oras, at kasalukuyang isinasagawa ang pagsusuri sa pinsala at pagtukoy sa bilang ng mga apektadong residente.
Sa Barangay Guizo, Mandaue City, iniligtas ang mga estudyante gamit ang rubber boats upang ligtas silang mailikas mula sa kanilang paaralan, habang maraming kalsada rin ang nalubog sa baha.
Naglabas ang PAGASA Mactan ng thunderstorm warning para sa Cebu dahil sa epekto ng Low Pressure Area (LPA). RNT/MDS