MANILA, Philippines – Maglalaan ang Commission on Higher Education (CHED) ng ₱120 milyon para tulungan ang mga student innovators na gawing startup businesses ang kanilang mga pananaliksik.
Kasama sa dalawang taong Student Technology Business Incubation Program for the Agri-Aqua Sector ang 24 state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa. Makakatanggap ang bawat kalahok na paaralan ng ₱5 milyon mula sa Higher Education Development Fund.
Layunin ng programa na mapaunlad ang mga research output ng mga estudyante at guro upang maging mga produktong, serbisyo, o negosyong maaaring makatulong sa komunidad at industriya.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, maraming makabuluhang teknolohiya ang nagagawa ng mga estudyante ngunit kadalasan ay nananatili lamang bilang thesis o school projects dahil kulang sa suporta para maging aktuwal na negosyo.
“Every year, our students and faculty produce promising research and technologies. However, many remain as theses, capstone projects, or course requirements because they lack opportunities for further development into products, services, or startup ventures that can benefit our communities and industries,” ani Agrupis.
Sa ilalim ng programa, gagabayan ang bawat SUC ng 10 student innovators sa pamamagitan ng training, paggamit ng pasilidad, teknikal at pinansyal na suporta, at koneksyon sa mga industriya at posibleng investors.
Target ng CHED na makapagtatag ng hindi bababa sa 200 bagong lokal na negosyo matapos ang dalawang taong implementasyon.
Kabilang sa mga kalahok na SUC ang Benguet State University, Central Luzon State University, Bicol University, University of the Philippines Visayas, Cebu Technological University, Western Mindanao State University, at Caraga State University, kasama ang iba pang institusyon mula Luzon, Visayas, at Mindanao. RNT/MDS