Home NATIONWIDE Pagbabantay sa karagatan vs illegal fishing, smuggling palalakasin ng DA

Pagbabantay sa karagatan vs illegal fishing, smuggling palalakasin ng DA

1
0

MANILA, Philippines – Palalakasin ng Department of Agriculture (DA) ang digital monitoring sa karagatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mas malawak na paggamit ng Vessel Monitoring System (VMS) upang maprotektahan ang yamang-dagat at labanan ang agricultural smuggling.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nagkaroon ng turnover ng mga bagong VMS workstation sa National Maritime Center (NMC) upang mapahusay ang pagbabantay at koordinasyon sa mga operasyon sa karagatan.

Sinabi ni Tiu Laurel na makatutulong ang teknolohiya para mas mabilis na matukoy at maaksyunan ang mga banta sa mga komunidad ng mangingisda.

“Better information leads to better decisions,” ani Tiu Laurel, na binigyang-diin ang kahalagahan ng real-time data sa pagprotekta sa yamang-dagat at kabuhayan ng milyun-milyong Pilipinong mangingisda.

Sa pamamagitan ng VMS, mamomonitor ng mga awtoridad ang lokasyon, bilis, at direksyon ng mga rehistradong sasakyang-pangisda, na magbibigay ng mas malinaw na impormasyon sa mga aktibidad sa karagatan.

Ayon sa DA, makatutulong din ang teknolohiya sa pagtukoy ng illegal, unreported, and unregulated fishing at pagpapatupad ng mga conservation measure tulad ng closed fishing season.

Bukod sa pangisdaan, gagamitin din ang sistema upang palakasin ang kampanya laban sa smuggling ng mga produktong agrikultural tulad ng bigas, asukal, at sigarilyo na dumadaan sa malawak na baybayin ng bansa.

“The same technology that helps us monitor fishing vessels can also strengthen our ability to detect suspicious maritime movements linked to smuggling,” ani Tiu Laurel. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here