MANILA, Philippines – Sinisiyasat ng Philippine National Police (PNP) kung may koneksyon ang dalawang insidente ng improvised explosive device (IED) sa Metro Manila bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga naunang kaso ng paggawa ng bomba sa katimugang bahagi ng bansa.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., tinitingnan ng mga imbestigador ang posibleng ugnayan ng pagsabog ng IED sa labas ng Department of Justice (DOJ) at pagkakatuklas ng isa pang IED sa labas ng Senado sa parehong araw.
“We need to crack down on that and we have good leads. Our operatives, our detectives are in close coordination with the different law enforcement units para mahuli natin,” ani Nartatez.
Sinabi ito ng PNP chief sa pagtatapos ng IED Threat and Security Symposium sa Malay, Aklan, kung saan binigyang-diin niya ang pangangailangang palakasin ang kakayahan ng mga awtoridad sa pagtukoy, pagpigil, at pagtugon sa mga banta ng IED.
Ayon naman kay Police Regional Office 6 director PBGen. Randulf Tuaño, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad, lalo na sa pagbabantay sa mga pantalan at paggamit ng K9 dogs upang matukoy ang posibleng banta.
“Hindi kakayanin ng PNP mag-isa ‘yung ganitong pagsugpo ng mga threat. Kailangan natin ‘yung suporta ng mga community kaya nga ‘yung ganitong training sinasabi ifollow-up pa after a quarter para mas dumami ‘yung mga trained natin na PNP personnel,” ani Tuaño.
Binigyang-diin ni Nartatez na kailangan ang “whole-of-government approach” sa paglaban sa mga banta ng bomba dahil walang isang institusyon lamang ang makakaharap nito.
“The true value of this symposium, however, will be measured not by the discussions you have held, but by how you apply what you have learned,” ani Nartatez. RNT/MDS