MANILA, Philippines – Iginiit ni House Speaker Faustino Dy III na patuloy na nakatutok ang House of Representatives sa pagtupad ng kanilang konstitusyonal na tungkulin at sa paggawa ng makabuluhang batas, anuman ang resulta ng mga survey.
“Trabaho lang kami. With or without the survey, nakita ninyo kami sa Kongreso. Nakita ninyo kaming tahimik na nagtatrabaho. Ginagawa po namin ang aming mga responsibilidad, at nakikita po namin ang aming mga priorities na dapat naming isulong sa bawat Kongreso,” ani Dy.
Ang pahayag ay ginawa ni Dy bilang reaksyon sa pagtaas ng tiwala ng publiko sa kasalukuyang liderato ng Kamara.
“Salamat. Hindi naman po kami after sa ganoong mga rating, pero salamat sa pagtitiwala. Kasi kung maaalala ninyo, noong ako ay unang na-elect, talagang ang aming pinagsusumikapan, sa suporta at tulong ng bawat miyembro, ay maibalik ang tiwala ng ating mga kababayan,” pahayag ni Dy.
Aniya, pinagbubutihin ng mga mambabatas ang paggawa ng batas na tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino, sa halip na unahin ang pagpapa-ganda ng imahe sa publiko.
“Kaya naman patuloy po kaming nagsusumikap hanggang ngayon. Alam po namin na marami pa ring pagkukulang, kaya ito ay isang bahagi na nakikita namin upang lalo pang mapaganda at mapalapit tayo, at malaman natin ang tunay na sentimyento ng ating mga kababayan para lalo pang maging maganda ang mga batas na ihahain natin para sa ating bansa,” giit pa nito.
Ipinaliwanag pa ni Dy na ito rin mismo ang layunin ng LegisHear, ang bagong nationwide consultation program ng Kamara na naglalayong dalhin ang Kongreso nang tuwiran sa mga komunidad upang makalikom ng opinyon ng publiko bago ihain o baguhin ang mga panukalang batas.
Inilunsad nitong Biyernes sa Isabela ang LegisHear, bahagi ng malawak na vision ng Kamara para sa isang “Bagong Kongreso” na mas bukas, accountable, at mabilis tumugon, sa pamamagitan ng pagtiyak na ang boses ng mga mamamayan ay may bahagi sa paghubog ng mga batas ng bansa. Gail Mendoza