MANILA, Philippines – Tinatayang halos P,4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspects kabilang ang itinuturing na High-Value Individual (HVI) matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, nakapiit ngayon sa custodial facility ng Caloocan police ang mga suspek na sina alyas “Al”, 54, (HVI), tricycle driver at alyas “Jay”, 44, kapwa residente ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation laban kay alyas Al sa koordiansyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta nito ng iligal na droga.
Dakong alas-2:18 ng madaling araw nang maaresto ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables si alyas Al sa Brgy., 176, Bagong Silang matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang katransaksyong pulis na nagpanggap na buyer.
Kasama ring inaresto ang kanya umanong prakyano na si alyas Jay kung saan nakumpiska sa kanila ang aabot 65.14 gramo ng hinihinalang shabu na may total standard drug price na P381,752.00 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money.
Ayon sa pulisya, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa nila laban sa mga suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Merly Duero)