Home NATIONWIDE Suspensiyon ng P85 wage hike, pinalagan ni Risa: ‘Kakarampot na nga, ipinagkait...

Suspensiyon ng P85 wage hike, pinalagan ni Risa: ‘Kakarampot na nga, ipinagkait pa’

3
0
larawan ni Cesar Morales

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Risa Hontiveros ang desisyon ng korte na ipagpaliban ang implementasyon ng P85 wage hike sa Metro Manila na kung tutuusin sobrang kakarampot kumpara sa kinahaharap na pabigat ng manggagawa sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Hontiveros na “alam natin ang bigat ng pakiramdam kapag dumarating ang sweldo – pero bago pa matapos ang buwan, iniisip mo na kung paano ito pagkakasyahin. Pagkain. Kuryente. Pamasahe. Gamot. Matrikula.”

“Nagtatrabaho at nagsisikap naman tayo. Pero parang bawat buwan, mas kaunti ang natitira at mas marami ang kailangang bayaran,” ayon kay Hontiveros.

Anya, hindi dapat ganito ang buhay ng Pilipinong nagsisikap. “Kung tutuusin, may nakaabang nang mga solusyon, na maari na nating gawin ngayon.”

Una, kailangang maipatupad ang ₱85 wage hike. Maliit na nga, installment pa. Pumayag na ang groups gaya ng Financial Executives Institute of the Philippines, at nakahanda na ang dagdag pasahod ng ibang employers. Kaya di dapat mawala ang umento sa sahod, dahil lang may humarang dito sa korte, ayon kay Hontiveros.

“Ang dapat gawin ng DOLE at OSG: Labanan ang kaso, para agad na madismiss ito, o malift ang suspension ng wage hike. I also urge our business community: dumaan tayo sa administrative processes for exemption. Irespeto natin ang batas at ang tripartite system kung saan may boses ang manggagawa, employer at gobyerno. If this system is bypassed, the predictability and industrial peace which allows businesses to thrive will be at risk,” ayon sa senador.

Giit pa ng senador na kasabay ng dagdag-sahod, ibaba natin ang singil sa kuryente. “May kapangyarihan ang ERC sa ilalim ng EPIRA na magtakda ng cap o limit sa “recoverable rate of systems losses,” at pumili ng methodology sa rate-setting. Gamitin natin iyan para pababain ang systems loss at iba pang pass-through charges na pinapasan ng consumers.”

“Gamitin din natin ang ERC para suriin ang generation charges—ang pinakamalaking bahagi ng monthly power bill. Bawat singil, dapat malinaw at may sapat na batayan. Kung may sobrang singil, maling singil, o halagang hindi dapat ipinapasa sa consumers, alisin at i-refund agad.,” paliwanag pa ng senadora.

:Hindi puwedeng dagdag-sahod sa isang kamay, tapos kukunin din sa kuryente sa kabila. Pagdating sa wage hike at pagbawas ng singil sa kuryente, may sagot, may paraan, at kaya natin itong ayusin,” aniya.

Aniya, dapat pagsikapan natin na iparamdam sa ating kababayan – na kapag nagtatrabaho ka nang marangal, may bunga ang iyong pagsisikap.

“Dapat kaya nating bumili ng pagkain nang hindi kinakabahan sa presyo. Bayaran ang kuryente nang hindi nag-aalala kung ano naman ang kailangang bawasan. Magpagamot kapag may nagkasakit. Pag-aralin ang mga anak. At kahit kaunti, makapagtabi para sa bukas,” aniya.

“Iyan ang buhay na nais nating maibigay sa bawat Pilipino. Yung makakauwi tayo sa ating mahal sa buhay, sa dulo ng bawat araw, na hindi ang susunod na bayarin ang unang pumapasok sa isip. Yung  mas magaan, mas tiyak at mas panatag ang bawat pamilyang Pilipino,” paliwanag ng senadora. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here