Home NATIONWIDE 5M food packs, nakapwesto na sa mga lugar na hahagupitin ni Luis

5M food packs, nakapwesto na sa mga lugar na hahagupitin ni Luis

2
0

MANILA, Philippines – Mahigit 4.9 milyong family food packs ang inihanda at inilagay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Tropical Depression Luis.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Lunes na nakaimbak ang mga food at non-food relief item sa mahigit 1,000 warehouse sa buong bansa.

“Sa ngayon… ang national stockpile ng DSWD ay nasa mahigit 4.9 million family food packs. Strategically pre-positioned ’yan across the country, nasa mahigit 1,000 po ang ating warehouses na naglalaman ng mga food and non-food items,” ani Dumlao sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga regional director ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 upang matiyak ang agarang pagdaragdag ng tulong.

Nakapamahagi na ang ahensya ng ready-to-eat food boxes sa mga pasaherong na-stranded sa Region 5 at family food packs sa mga residenteng nasa ilang evacuation center sa Zamboanga.

“Nakakatiyak po ang ating mga kababayan na tayo ay mabilis, maagap at magiging sapat ang tulong na maipapaabot sa mga kababayan po natin na maapektuhan nitong Luis, and of course, ng iba pang mga extreme weather phenomenon,” ani Dumlao.

Araw-araw na rin umanong gumagawa ng relief supplies ang DSWD bago pa man dumating ang bagyo.

“Bago pa man po tumama itong si Bagyong Luis at talagang araw-araw nagpo-produce ng mga family food packs ang DSWD sa Luzon Disaster Resource Center at sa Visayas Disaster Resource Center,” sinabi niya.

Ipagpapatuloy ng ahensya ang kasalukuyang produksyon upang regular na mapunan ang mga relief supply sa mga warehouse nito.

Ang bawat family food pack ay may anim na kilo ng bigas, 10 de-lata, at tig-limang sachet ng instant coffee at chocolate drink. Sapat ito para sa pamilyang may limang miyembro sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Ang ready-to-eat food box naman ay naglalaman ng champorado, arroz caldo, tuna paella, at protein biscuits na sapat para sa pamilyang may limang miyembro sa loob ng isang araw. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here