Home NATIONWIDE 2 Pinoy seafarer na nasugatan sa Black Sea drone attack, nakauwi na

2 Pinoy seafarer na nasugatan sa Black Sea drone attack, nakauwi na

4
0

MANILA, Philippines — Nakabalik na sa Pilipinas ang dalawang Filipino seafarer na nasugatan matapos tamaan ng maraming Russian drone ang kanilang tanker sa Black Sea.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Martes, patuloy na tumatanggap ng gamutan at tulong pinansyal mula sa pamahalaan ang dalawang tripulante.

Kabilang sila sa mga tripulante ng Liberia-flagged LPG tanker na MV Gas Lisbon, na nasunog habang patungo sa Ukraine.

“Ang Liberia-flagged LPG tanker ay tinamaan at nasunog sa karagatan malapit sa baybayin ng Romania noong Hulyo 20,” pahayag ng OWWA.

“Dahil sa insidente, dalawang Pilipinong tripulante ang nagtamo ng burn injuries, habang isa nilang kasamahan ang pumanaw noong Hulyo 23,” dagdag nito.

Dumating ang dalawang seafarer sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Lunes ng gabi sakay ng Qatar Airways Flight QR932.

Sinalubong sila ni Department of Migrant Workers (DMW) Assistant Secretary Maria Regina Angela Galias at ng mga kinatawan ng OWWA.

Agad silang binigyan ng airport assistance, tulong pinansyal at special financial assistance ng DMW at OWWA.

Ang kanilang licensed manning agency na Alpha Pearl of the Orient Maritime Inc. ang nangasiwa sa repatriation, pagpapaospital at patuloy na gamutan ng dalawang seafarer.

Inatasan din ang ahensya na tiyaking sasailalim sila sa kinakailangang physical at psychological examinations, kabilang ang debriefing sessions.

Tiniyak naman ng DMW at OWWA ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa pamilya ng namatay na Filipino seafarer para sa repatriation ng kanyang mga labi at iba pang tulong.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinaalalahanan ng DMW ang mga licensed manning agency at kanilang accredited principals na mahigpit na sundin ang safety precautions at mga protocol para sa mga barkong may sakay na Filipino seafarers na dumaraan sa Black Sea. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here