MANILA, Philippines – Bumagal sa 6.2 porsiyento ang inflation rate ng Pilipinas noong Hulyo mula 6.4 porsiyento noong Hunyo at 6.8 porsiyento noong Mayo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules, Agosto 5.
Pasok ang inflation sa 5.6 porsiyento hanggang 6.6 porsiyentong forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas ngunit nanatiling mas mataas sa 2 porsiyento hanggang 4 porsiyentong target ng pamahalaan.
Sinabi ni PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa na umabot sa 5 porsiyento ang average inflation sa unang pitong buwan ng 2026.
Pangunahing nagmula ang pagbagal sa transport inflation, na bumaba sa 11.9 porsiyento mula 12.8 porsiyento noong Hunyo. Nakatulong din ang mas mabagal na pagtaas ng presyo sa edukasyon, restaurant at accommodation services.
Bumaba naman sa 4.2 porsiyento mula 4.4 porsiyento ang core inflation, na hindi kabilang ang pabagu-bagong presyo ng pagkain at enerhiya.
Nanatiling pinakamalaking contributor sa inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages. Hindi nagbago sa 5.3 porsiyento ang food inflation, na pangunahing itinulak ng presyo ng cereals at bigas.
Samantala, bumilis sa 8.2 porsiyento ang inflation sa pabahay, tubig at kuryente.
Sa kabila ng pagbagal, mas mataas pa rin ang inflation noong Hulyo kumpara sa 0.9 porsiyento sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling policy meeting, itinaas ng BSP ng 25 basis points sa 4.75 porsiyento ang benchmark target reverse repurchase rate dahil sa nananatiling mataas na inflation. RNT