Home HOME BANNER STORY Signal No. 2 itinaas sa pananalasa ni Bagyong Maymay

Signal No. 2 itinaas sa pananalasa ni Bagyong Maymay

2
0

MANILA, Philippines – Lumakas at naging tropical storm si Maymay nitong Miyerkules ng madaling araw, Agosto 5, dahilan upang itaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Northern Luzon.

Taglay ng bagyo ang international name na Kujira. Alas-4 ng madaling araw, namataan ito 170 kilometro sa kanluran-hilagang-kanluran ng Bacnotan, La Union, na may lakas ng hanging 65 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 80 kph. Mabagal itong kumikilos patimog-silangan.

Nakataas ang Signal No. 2 sa central at southern Ilocos Sur; northern at central La Union; northwestern Pangasinan; southwestern Abra; western Mountain Province; at northwestern Benguet.

Nasa Signal No. 1 naman ang Ilocos Norte; nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Mountain Province at Benguet; Apayao; Kalinga; Ifugao; mainland Cagayan; Isabela; Quirino; Nueva Vizcaya; northern Aurora; northern Nueva Ecija; northern Tarlac; at northern Zambales.

Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ang mga lugar na ito ng malalakas na hangin na may minimal hanggang moderate na epekto.

Inaasahang kikilos si Maymay pasilangan at posibleng mag-landfall sa Ilocos Sur o La Union sa Miyerkules ng hapon o gabi. Unti-unti itong hihina habang tumatawid sa kabundukan ng Northern Luzon at maaaring maging low-pressure area pagsapit ng Huwebes ng hapon o gabi, Agosto 6.

Magdadala si Maymay at ang southwest monsoon o habagat ng heavy to intense rains na 100 hanggang 200 millimeters sa La Union, Pangasinan, Benguet at Zambales ngayong Miyerkules.

Inaasahan naman ang moderate to heavy rains na 50 hanggang 100 millimeters sa Metro Manila, Ilocos Sur, Mountain Province, Ifugao, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.

Sa Huwebes, posibleng makaranas ng heavy to intense rains ang Ilocos Sur, La Union, Benguet at Occidental Mindoro. Moderate to heavy rains naman ang inaasahan sa Pangasinan, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas at Antique.

Pagsapit ng Biyernes, lalo pang palalakasin ng paparating na Typhoon Dolphin ang habagat, na magdadala ng moderate to heavy rains sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at Antique.

Nagbabala ang PAGASA sa mataas na panganib ng malawakang pagbaha at malulubhang landslide sa maraming bahagi ng Luzon.

Alas-8 ng gabi nitong Martes, nasa labas ng Philippine Area of Responsibility si Dolphin at namataan 1,845 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 165 kph at pagbugsong hanggang 205 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.

Hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na pumasok sa PAR si Dolphin at pangalanang Neneng, ngunit inaasahang mananatili itong malayo sa kalupaan habang pinalalakas ang habagat hanggang weekend. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here