MANILA, Philippines – Patuloy pang pinag-aaralan ng Malacañang ang panukalang P20 kada litrong fuel subsidy at provisional fare increase para sa mga public utility vehicle sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na nakikipagpulong si Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez sa Office of the Executive Secretary at economic team ng administrasyon upang plantsahin ang mga detalye.
“Sa ngayon ay pinag-uusapan po. Nakausap po natin mismo si Secretary Banoy at mayroon po siyang pakikipagpulong sa Office of the Executive Secretary para pag-usapan po ang mga detalye patungkol dito,” ani Castro.
Tiniyak naman niyang magpapatuloy hanggang katapusan ng Agosto ang kasalukuyang P10 kada litrong fuel subsidy para sa mga PUV.
“Pero sa ngayon po ay patuloy pa rin po, extended po hanggang katapusan ng August ang P10-per-liter fuel discount or subsidy,” aniya.
“So, pag-uusapan po ng Office of the Executive Secretary, DOTr and Economic Team para po mas magkaroon nang kongkreto at detalyeng resolusyon patungkol po diyan,” dagdag ni Castro.
Naunang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Vigor Mendoza na mangangailangan ng tinatayang P4.5 bilyong pondo ang panukalang P20 kada litrong subsidy para sa lahat ng PUV sa loob ng isang buwan.
“I think there will be some decisions within the week nakikita natin yung urgency ng mga ‘to. We will press this upon our bosses na kailangan na nating magpetisyon,” ani Mendoza.
Hinimok din ni Castro ang transport group na Manibela na idaan sa dayalogo ang panawagan nito para sa provisional fare increase sa halip na magsagawa ng transport strike sa susunod na linggo.
“Ang nais ng pamahalaan ay pag-uusap, negosasyon makita kung ano ang daing at kung meron mang magkakaroon ng transport rally, hindi po kasi ito ang tugon. Hindi ito ang sagot sa mga ganitong klaseng isyu dahil mas mahihirapan lang din po ang ating komyuter sa gagawing ganitong klaseng aksyon,” sinabi niya.
“Kayo naman po ay nadidinig ng gobyerno. Mas maganda na magkaroon ng tahimik, maayos na dayalogo, hindi yung lagi tayong nasa daan dahil hindi po siya ang sagot sa ating mga isyu sa ngayon,” dagdag niya.
Nilinaw ni Castro na hindi pipigilan ng pamahalaan ang protesta ngunit maaari aniyang makaapekto sa mga commuter at ekonomiya ang tigil-pasada. Nakaantabay naman ang mga ahensya upang tumulong sa mga pasaherong maaapektuhan.
“But hindi po natin pinipigilan ang sinumang nais na magkaroon ng pagpo-protesta but still, hindi po siya makakatulong sa ating ekonomiya,” ani Castro.
“Kung ano po ang nais ng MANIBELA handa naman pong tumugon ang ating pamahalaan para hindi naman po mahirapan ang ating mga komyuter sa araw na ito ay kanilang gagawin,” dagdag niya. RNT