Home NATIONWIDE Pag-alis ng 12% VAT sa system loss itinutulak na sa Kamara

Pag-alis ng 12% VAT sa system loss itinutulak na sa Kamara

3
0

MANILA, Philippines – Inihain sa Kamara ang magkakahiwalay na panukalang-batas na naglalayong tanggalin ang 12 percent value-added tax (VAT) sa ilang partikular na singil sa kuryente, kabilang ang system loss fees at konsumo ng mga residential na pamilya, upang magbigay ng agarang kaluwagan sa mga consumer.

Inihain nina Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang House Bill No. 10602, na naglalayong i-exempt sa 12% VAT ang mga recoverable distribution system loss charges na lumalabas sa mga bayarin sa kuryente.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Seksyon 109 ng National Internal Revenue Code ng 1997 upang alisin ang buwis sa mga singil sa system loss na aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Paliwanag ni Quimbo, ang system loss ay tumutukoy sa kuryenteng nawawala sa mga linya ng distribusyon dahil sa mga teknikal at di-teknikal na kadahilanan.

Aniya, hindi makatarungang pinapatawan ng VAT ang mga konsumer para sa kuryenteng hindi naman nila aktuwal na nakonsumo.

Ang panukala nina Quimbo at Fernandez ay bilang suporta din sa House Bill No. 10430 na naunang inihain nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos bilang direktang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat pasanin ng publiko ang bayarin sa system loss.

Samantala, itinutulak naman ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Bill No. 10548, na naglalayong alisin ang 12% VAT sa mga residenteng kumokonsumo ng 400 kilowatt-hours (kWh) o mas mababa kada buwan.

Sa ilalim ng panukala, awtomatikong matatanggap ng mga kwalipikadong konsumer ang VAT exemption nang walang kinakailangang proseso o aplikasyon. Saklaw nito ang kabuuang singil mula sa generation, transmission, at distribution ng mga private utility at electric cooperative.

“Ang kuryente ay hindi luho kundi pangunahing pangangailangan. Ang bawat pisong matitipid ng pamilya ay dagdag-pangkain sa hapag-kainan, pambili ng gamot, o pantustos sa eskuwela,” pagtatapos pa ni Tiangco. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here