MANILA, Philippines – “Are informants of the Office of the Vice President sick?”
Ito ang naging tanong ni Senator-judge Risa Hontiveros sa prosecution witness na si Roderick Wamil ng Commission on Audit matapos tumestigo kaugnay sa P125 milyong confidential fund ng OVP para sa taong 2022 na ginamit upang ipambili ng gamot bilang reward sa mga informant.
Kabilang sa recipients ng 2022 confidential funds batay sa Acknowledgment Receipts na ipinasa ng OVP sa COA ay si Mary Grace Piattos, na nakatanggap ng P70,000.
“Pumunta naman tayo doon sa gamot. ‘Di umanong gamot ang ibinigay na reward. So muli, sa karanasan po ninyo sa ICFAO and based on your expertise, normal po ba iyon na gamot ang kapalit ng intelligence information?” sinabi ni Hontiveros sa ika-13 araw ng impeachment trial.
Sumagot si Wamil at sinabing ang bayad ng mga gamot bilang reward ay hindi normal.
“First time po dito sa may OVP po [na gamot ang reward], Your Honor,” ani Wamil.
Dahil dito ay nagkomento si Hontiveros at sinabing, “ito pa ‘yung palaisipan — kasi paano ‘yun, ‘yung mga informant po ba, most of the time, may sakit.”
“I wouldn’t know po,” sagot naman ni Wamil.
Dito pa nagtanong si Hontiveros kung ang gamot ba ay para sa asthma, hypertension o diabetes na sinagot naman ng hindi ni Wamil.
Tinanong din ni Hontiveros kung ang P70,000 confidential fund na natanggap ni Mary Grace Piattos ay para sa mga gamot, at kung si Piattos ba ay mayroong anumang karamdaman.
Tumugon si Wamil at sinabing hindi nito alam dahil kulang ang liquidation reports ng OVP at ang ina-audit nila ay batay lamang sa submissions ng ahensya. RNT/JGC