MANILA, Philippines – Itutuloy pa rin ng transport group na MANIBELA ang tatlong araw na tigil-pasada sa kabila ng P12 na discount kada litro ng petrolyo bilang subsidy ng pamahalaan sa public utility vehicles (PUVs).
“Tuloy po,” sinabi ni MANIBELA chairperson Mar Valbeuna sa panayam ng GMA News.
Bagamat natuwa ang MANIBELA sa P2 taas sa fuel discount, iginiit ng grupo na hindi pa rin ito sapat sa tumataas na gastusin sa pagpapatakbo ng public transport.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ng MANIBELA na ang subsidiya ay hindi dapat papalit sa matagal na nilang apela na “just and reasonable” increase sa pamasahe.
Ipinunto rin ng MANIBELA ang mga problema sa pag-avail ng fuel discount at sinabing maraming mga drayber ang hindi naman nakikinabang dito dahil sa offline systems sa mga gasolinahan, limitadong bilang ng participating fuel outlets, o bigong pagbibigay ng pangakong discount.
Bilang resulta ay napapabili pa rin sa buong halaga ng produktong petrolyo ang maraming mga drayber.
Anila, ang taas-pasahe ay magbibigay ng mas direktang financial relief dahil ito ay magdaragdag sa kita ng mga drayber at hindi na kailangang umasa sa mga gasolinahan para matanggap ang benepisyo. RNT/JGC