Home NATIONWIDE Angara sa mga guro: Kamustahin mga estudyante habang kapos sa guidance counselor

Angara sa mga guro: Kamustahin mga estudyante habang kapos sa guidance counselor

2
0

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Education Secretary Sonny Angara ang mga guro na regular na kamustahin ang kanilang mga estudyante at bantayan ang mga senyales ng unusual behavior, habang patuloy na nahaharap ang mga pampublikong paaralan sa kakapusan ng guidance counselors.

Sa gitna ng tumataas na insidente ng school violence, sinabi ni Angara na dapat na mahigpit na tutukan ng mga guro ang kanilang mga estudyante lalo na sa mga eskuwelahan na walang guidance counselors.

“Kumustahin nila. Pansinin nila kung may unusual behavior kasi ‘yun could be possible triggers for violence,” ang sinabi ni Angara sa sidelines Rise Against Hunger Program sa Quirino Elementary School sa Quezon City.

“So kung depressed ‘yung bata, matagal hindi pumasok, biglang nag-dip in performance, hindi na niya kinakausap ‘yung kanyang mga kasama, usually could be indicators of possible school violence,” aniya pa rin.

At nang tanungin kung may kakayahan ang mga guro na gumawa ng ibang tungkulin na ginagawa ng mga lisensiyadong guidance counselors, tanggap ni Angara na kapos ang guidance counselors sa bansa.

“Well, we don’t have enough guidance counselors in the Philippines. That’s a fact,” anito.

Makikita sa pinakabagong data ng Department of Education (DepEd), mayroong mahigit na 4,000 unfilled positions para sa guidance counselors at coordinators sa mga public schools.

Idinagdag pa nito na tumatanggap ang DepEd ng 10,000 guidance counselor associates, isang posisyon na hindi na kinakailangan ang professional license.

Sinabi pa ng Kalihim na nagsagawa ang DepEd ng security audit ng public schools, kung saan nabunyag ang mga puwang at butas sa campus safety measures.

“Nakita natin maraming walang security guard. Maraming kailangan ng bakod, CCTV, and metal detectors,” ani Angara.

“DepEd is coordinating with local government units, the Department of the Interior and Local Government (DILG), the Philippine National Police (PNP), and barangays to strengthen security in schools,” aniya pa rin.

Kinilala naman ni Angara ang kakulangan ng nars at doktor na nakatalaga sa public school clinics sa araw-araw.

“Wala naman talagang mga nurse sa schools natin. Matagal nang walang nurse sa schools natin, so we don’t even have enough teachers. We don’t have enough guidance counselors. Ganun talaga,” ang winika ni Angara.

Kaya nga aniya humihingi ng tulong ang DepEd mula sa Department of Health (DOH) at PhilHealth na tumulong na tugunan ang nasabing kakapusan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here