MANILA, Philippines – Nagpataw ng pansamantalang liquor ban at curfew ang lokal na pamahalaan ng Magsingal, Ilocos Sur dahil sa banta ng Tropical Storm Maymay.
Sa executive order nitong Miyerkules, Agosto 5, tinukoy ni acting Mayor Alrico Favis ang pangangailangan na protektahan ang buhay, masiguro ang kaligtasan ng publiko, at mabawasan ang banta ng bagyo.
Batay sa kautusan, ang pagbebenta, pagbili, pagbibigay, pag-inom, o distribusyon ng alcoholic beverages ay ipinagbabawal sa munisipalidad habang nakakaapekto ang bagyo sa lugar.
Ipinatupad din ang 7pm hanggang 4am na curfew sa lahat ng mga tao sa pampublikong lugar.
Exempted naman sa curfew ang mga opisyal ng pamahalaan na ginagawa ang tungkulin, medical professionals at veterinarian na naka-duty, mga manggagawa ng public utility companies na sangkot sa konstruksyon, maintenance, o emergency activities, at mga indibidwal na nasa medical, emergency, at disaster response operations.
Inatasan naman ang Magsingal National Police at mga opisyal ng barangay na ipatupad ang kautusan. RNT/JGC