LEYTE, Philippines – Sinuspinde ng pamahalaang bayan ng Libagon, Southern Leyte ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan nitong Huwebes matapos ang magnitude 4.4 na lindol noong Miyerkules ng hapon.
Nilagdaan ni Mayor Oliver Ranque ang Executive Order No. 42 upang bigyang-daan ang structural safety inspection ng mga gusali ng paaralan at iba pang pasilidad pang-edukasyon.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng inspeksyon na matiyak na ligtas pa ring gamitin ang mga gusali matapos ang lindol at maprotektahan ang mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan.
Isasagawa ang inspeksyon ng Municipal Engineering Office kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang ahensya.
Inaasahang magbabalik ang klase sa Biyernes maliban kung may bagong abiso ang pamahalaang bayan batay sa resulta ng inspeksyon. RNT/MDS