MANILA, Philippines – Mahigit 60 miyembro ng Kamara ang sumusuporta sa panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sa Nobyembre 2.
Sa ilalim ng House Bill 10591, nais nilang ilipat ang halalan sa Nobyembre 2028, na magpapalawig ng termino ng kasalukuyang mga opisyal ng barangay at SK ng dalawang taon.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, naging mas mahal ang pagsasagawa ng halalan dahil sa “energy emergency” at mataas na presyo ng langis, at hindi ito isinama sa kasalukuyang badyet at mga plano para sa eleksyon.
Sinabi rin nila na maaaring magdulot ng problema sa pagkuha ng kagamitan, paghahatid ng election materials, at kompensasyon ng Electoral Boards kung itutuloy ang halalan nang walang sapat na pondo.
May iba pang panukala, kabilang ang House Bill 10584, na humihiling din ng pagpapaliban, at House Bill 10583, na nais ilipat ang eleksyon sa Mayo 2027.
Tutol naman ang National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) sa mga panukala. Ayon sa grupo, ang regular na halalan ang mahalagang paraan upang mapanagot ang mga opisyal sa barangay.
Binigyang-diin ng Namfrel na ang karapatang bumoto at pananagutan ng mga opisyal ay hindi dapat isantabi dahil lamang sa kakulangan sa badyet. Nagbabala rin ito na kung ililipat ang barangay elections sa parehong taon ng pambansang halalan, maaaring magkaroon ng mas malaking impluwensiya ang mga opisyal ng barangay sa mga kampanyang pambansa. RNT/MDS