MANILA, Philippines – “Hindi lang bilis kundi kalidad ang bibigyang-diin ng Kamara sa Second Regular Session ng 20th Congress”.
Ito ang ipinahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III kung saan tiniyak nito ang pagsulong ng mga priority legislation habang pinapatibay ang koordinasyon nito sa Senado at Executive branch, pinapahusay ang committee system, at pinapalawak ang konsultasyon sa mga stakeholder.
“Malaking bagay po ang magandang ugnayan ng Kamara, Senado, at Executive Branch,” pahayag ni Dy sa isang video message.
Aniya, sa Kamara ay patuloy na pinapalakas ang committee system upang mas maging mabilis ngunit masusi ang pagtalakay sa bawat panukala gayundin ang pagsangguni sa publiko.
Kamakailan ay inilunsad ng Kamara ang LegisHear, isang nationwide comprehensive public consultation program na ang layunin ay hindi lamang pabilisin ang proseso ng pagbabatas kundi tiyakin din na de-kalidad at maayos ang bawat batas na ipapasa.
“Ang mensahe ko po ay simple lamang: tuloy-tuloy ang trabaho ng Kamara,” giit ni Dy kung saan maraming priority bills ang target na maipasa ngayong taon.
Binanggit din niya na dapat patuloy na tumugon ang Kongreso sa mga suliranin ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng mga batas na nagpapababa ng gastusin, nagpapalakas ng ekonomiya, lumilikha ng trabaho, at nagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko.
“Alam po natin na marami pa ring hamon ang kinakaharap ng ating mga kababayan. Kaya ang bawat araw ng sesyon ay pagkakataon upang makapagpasa ng mga batas na makatutulong sa pagpapababa ng gastusin, pagpapalakas ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko,” pagtatapos pa ni Dy. Gail Mendoza