MANILA, Philippines – Sa gitna ng patuloy na mataas na inflation nitong nagdaang Hulyo, binigyang-diin ni Senate President Win Gatchalian ang matinding pangangailangan na maipatupad ang P85 na dagdag-sahod sa National Capital Region, habang nagkakaisa ang panawagan ng Senado para sa agarang pagpapatupad nito.
Noong Hulyo, pumatak sa 6.2% ang inflation rate ng bansa, na pangunahing dulot ng pagtaas ng presyo ng langis at kuryente, at nananatiling mas mataas sa target na 2% hanggang 4% ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, kapag naaantala ang pagtaas ng sahod, lalo lang nababawasan ang purchasing power o kakayahan ng mga manggagawa na makabili ng kanilang mga pangangailangan.
Nagkakaisang pinagtibay ng mga senador ang Resolution No. 59, na nagpapahayag ng paninindigan ng Senado bilang suporta sa mga apela na agad alisin ang temporary restraining order (TRO) sa pagpapatupad ng Wage Order No. NCR-27 at humihimok sa hudikatura na huwag nang hadlangan ang pagtaas ng sahod.
“Ang malinaw, iisa ang posisyon ng Senado — kailangang maipatupad agad ang dagdag sahod, lalo na sa gitna ng tumataas na inflation,” pahayag ni Gatchalian.
“Kung kinaya nating ipasa ang mas mataas na wage hike noon sa mas kalmadong sitwasyon na wala pang giyera sa Iran at mas mababa ang presyo ng langis, mas kinakailangan ito ngayon upang matulungan ang ating mga manggagawa,” dagdag pa niya.
Una nang naglabas ng TRO ang Pasig RTC na nagpapasuspinde sa pagpapatupad ng nasabing dagdag-sahod. Ernie Reyes