MANILA, Philippines – Nagpahayag ng buong suporta si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa isang Senate resolution na nnanawagan sa pagbawi sa temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng P85 daily minimum wage increase sa manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Inihain ang Proposed Senate Resolution No. 577, nitong August 4, na nilagdaan ng lahat ng senador.
Layunin ng resolusyon na ipahayag ang damdamin ng Senado bilang suporta sa manggagawang Filipino, Department of Labor and Employment (DOLE), at ilang ahensiyang responsible sa pagtutukoy ng regional minimum wages.
Sa kanyang co-sponsorship speech, ipinunto ni Pangilinan na malaki ang magagawa ng P85 dagdag sa daily wages ng manggagawa upang maibsan ang pasanin ng bawat pamilya sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin o serbisyo.
“Para sa marami, malaking bagay ito sa pang araw-araw na gastusin. Para sa ating mga manggagawa—pag-asa lang po natin ay makita ang bunga ng tamang prosesong dinaanan,” aniya.
“Ang karagdagang sahod na ito ay para sa kanilang pamilyang uuwian, at para sa tahanang pinagsisikapang itaguyod,” dagdag ng senador.
Iginiit ng senador na nakatakda sa Article 126ng Labor Code of the Philippines na nagtatakda ng proseso sa wage board na tukuyin ang akmang regional minimum wage bilang benepisyo sa Filipino workers.
“PSR 577 stated that Congress enacted the statutory prohibition that courts cannot issue injunctions against proceedings of the wage boards “to preserve the integrity and effectiveness of the wage orders and to prevent courts from unduly halting or interfering with specialized and administrative process of minimum wage determination, thereby ensuring that workers receive appropriate wage adjustments without any delays caused by protracted litigation initiated by opposing parties.”,” ayon kay Pangilinan.
Kamakailan, nagpalabas ng TRO ang Branch 152 ng Pasig City Regional Trial Court noong July 30 laban sa implementasyon ng Wage Order No. NCR-27 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-NCR), na nagtatakda ng P85 pagtaas sa daily minimum wage na sasakupin ang private-sector workers sa NCR.
Base ang TRO sa Petisyon na inihain ng Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc,, kaya epektibong sinuspinde ng korte ang implementasyon ng wage hike mula July 25 hanggang August 13, habang dinidinig ang kaso. Ernie Reyes