MANILA, Philippines – Hinamon ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na pangalanan ang mga opisyal ng pamahalaan na umano’y nagtatanggol sa China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea.
“Siguro para klaro sa lahat ng mga kababayan natin, dapat pangalanan kung sino ‘yung mga officials na tinutukoy niya na nagde-defend sa China over the West Philippine Sea issue,” ani Duterte sa panayam sa Davao City.
“Kasi hindi puwedeng magbitaw ka ng ganoon na salita, hindi mo naman pangalanan ‘yung mga opisyal,” dagdag niya.
Ayon sa bise presidente, dahil walang inilabas na listahan ng mga pangalan, maging si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay maaaring mapabilang sa mga pinatutungkulan ni Teodoro.
“Siyempre suspect kahit ang Presidente natin, kasali sa suspect doon kasi walang pangalan, walang listahan ng pangalan eh,” ani Duterte.
Nauna nang sinabi ni Teodoro na dapat pag-isipan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagbibitiw kung tumatanggi silang itaguyod ang polisiya ng bansa sa West Philippine Sea. Nilinaw niyang nakabatay ang kaniyang pahayag hindi sa personal na paniniwala kundi sa paglabag sa batas o mga umiiral na regulasyon.
Binatikos naman ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, kapatid ng bise presidente, si Teodoro at iginiit na ang mga halal na opisyal ay pinili ng taumbayan at hindi ng Defense secretary.
Hinimok din ni Representative Duterte si Teodoro na tigilan ang “demonizing China” at ang pagbibigay ng loyalty tests sa mga halal na opisyal.
Tinawag naman ng Malacañang na “very alarming” ang mga pahayag ni Paolo Duterte tungkol sa katapatan sa Pilipinas dahil tila ipinahihiwatig umano nitong hindi “solid” ang kaniyang allegiance sa bansa. RNT